Unang teleserye ng JaDine, worldwide trending sa Twitter, panalo rin sa ratings!
MANILA, Philippines – Nasungkit agad ng tambalan nina James Reid at Nadine Lustre ang puso ng buong sambayanan sa unang linggo ng kwento ng most romantic teleserye ng 2015 na On the Wings of Love.
Base sa datos mula sa Kantar Media noong Lunes (Agosto 10), pumalo ang pinakabagong primetime teleserye ng ABS-CBN ng national TV rating na 22.1%, o siyam na puntos na kalamangan kumpara sa nakuha ng pilot episode ng katapat nitong programa sa GMA na My Faithful Husband (12.7%).
Panalo rin ang teleserye nina James at Nadine sa ibang bahagi ng bansa kabilang ang urban areas kung saan humataw ang teleserye ng TV rating na 23.4% at sa rural areas taglay ang 20.4%. Nakakuha naman ang On the Wings of Love ng 22.5% sa Mega Manila laban sa 19.6% ng programa ng GMA, at 24.4% naman sa Metro Manila kumpara sa 15% ng katapat.
Dagdag patunay din sa tagumpay ng unang episode ng On the Wings of Love ang pagbuhos ng mga positibong tweet ng netizens sa microblogging site na Twitter kung saan naging worldwide trending topic ang official hashtag ng programa na #OTWOLArrival dahil sa ganda ng kwento ng teleserye.
Alden ibabahagi kung paano manligaw ng babae
Paano nga ba manligaw ang Pambansang Bae at ang other half ng numero unong love team ng bayan ngayon, ang AlDub, na si Alden Richards? Iyan ang aalamin ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ngayong Linggo!
May challenge rin ang KMJS sa Kapuso at Dabarkads na si Alden, ang buhatin ang mga inigib na tubig nang walang natatapon, habang dumadaan sa obstacle course! Tatlong babae rin sa audience ang hahamunin ng programa. Kayanin kaya nilang hindi ngumiti o kiligin habang kunwari ay nililigawan sila ni Alden?
Eksklusibo ring lilibutin ng KMJS ang isa sa pinakasikat na animation studios sa buong mundo, ang Pixar Studios sa Emeryville, California, USA. KMJS ang kauna-unahang Philippine TV program na naimbitahan ng Pixar Studios dito.
Matatandaang Pixar ang nasa likod ng mga award winning animated films tulad ng Toy Story, Monsters Inc., Finding Nemo, Wall-E, Ratatouille, at Up. Ang pinakabago nilang handog, ang animated film na naglalayong ipaliwanag ang mga emosyon ng isang tao - ang Inside Out! Makikilala rin ni Jessica Soho rito ang ilan sa mga Pinoy animator na utak sa mga matatagumpay na pelikula ng Pixar.
At dahil nasa Amerika na, papasyalan din ni Jessica ang ilang kilalang tourist spots sa San Francisco, kasama na rin ang mga food truck na naghahain ng mga pagkaing Pinoy tulad ng sisig at adobo.
Mapapanood din sa episode ngayong Linggo ang mga ka-voice-a-like ng Radio DJ na si Papa Dudut, at kaboses daw ng yumaong komedyanteng si Babalu. Kilalanin din ang Fil-Am at ang ama niyang Amerikano na sikat ngayon dahil sa galing nilang mag-beki lingo. Magkakaroon din ng tagisan sa pagitan ng dalawang may viral video, habang kumakanta ng Regine Velasquez songs.
Iyan ang mga kuwentong dapat abangan ngayong Linggo, 7:30 p.m., sa Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA 7.
- Latest