Ryzza Mae ‘pinaiyak’ ni Zsa Zsa
Naiiyak pa rin si Zsa Zsa Padilla tuwing kakantahin niya ang song na Hiram. Kaya nang mag-guest siya sa The Ryzza Mae Show, naiyak pa rin siya at nakiiyak sa kanya si Aling Maliit. In-explain niya kay Ryzza na iyon ang kinakanta niya para sa yumaong Ace Comedian Dolphy, at nalulungkot siya. Tiyak na isa pa rin ito sa bubuo ng repertoire ni Zsa Zsa sa Valentine concert niyang Beginnings bukas, February 14, sa Music Museum.
Since 32nd anniversary concert na rin iyon ni Zsa Zsa, si Mr. M (Johnny Manahan) ang magdidirek nito. Si Mr. M ang nagdirek noong 1983 kay Zsa Zsa sa first concert niya sa Intercontinental Hotel in Makati.
Magiging very special guests ni Zsa Zsa sina Ogie Alcasid at Piolo Pascual. Musical director is Homer Flores. For sure, very special person sa audience ang special someone ni Zsa Zsa, si Arch. Conrad Onglao.
Kahit uuwi sa ‘Pinas para sa concert Aicelle itinatanggi pa rin si Gian
Ayaw makipagsabayan ni GMA Artist Center’s power belter Aicelle Santos sa mga Valentine concert kaya since sa February 25 ay birthday niya, ginawa na niya itong birthday concert titled Class A: Aicelle Santos in Concert. Gaganapin ito sa Philippine Educational Theater Association (PETA) Theater on February 25, 7:00 p.m. to be directed by Carlo Orosa.
Bago ang presscon proper, kinanta muna ni Aicelle ang bago niyang single na Kapangyarihan ng Pag-ibig na malapit nang ma-download sa iTunes. Kaya itinanong agad kay Aicelle kung ano ang tunay nilang relasyon ng stage actor/singer na si Gian Magdangal. Good-good friends daw lamang sila talaga, walang ligawang nangyari. Since SOP days pa sa GMA-7 sila magkasama at si Gian ang nag-introduce sa kanya sa teatro. Tawag nga niya kay Gian ay ‘teatro boy.’ First major stage performance niya ang Katy The Musical sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Little Theater kasama sina Isay Alvarez, Dulce, Tirso Cruz III, at Gian. Nasundan ito ng ilang beses ng Rak of Aegis sa PETA, na magkakaroon muli ng repeat sa June 19 to 21 at June 26 to 28.
Ang mga special guests ni Aicelle ay sina Regine Velasquez, Kyla, Gian at Ms. Celeste Legaspi.
Para sa kanya, si Regine ang magiging forever niyang inspiration, na siyang nag-host noon ng Pinoy Pop Superstar talent search kahit pa runner-up lamang siya ni Gerald Santos. Mami-miss naman niya si Kyla na lagi niyang kasama noon sa Sunday noontime show ng GMA, ngayong lumipat na ito sa Kapamilya Network, kaya she’s looking forward sa duet nila sa concert. Si Celeste naman ay itinuring niyang nagpasimula ng teatro rito at nagpasalamat siya na tinanggap nito ang invitation niya to guest sa concert.
Nasa Hong Kong si Gian Magdangal performing sa Disneyland, uuwi ba si Gian para lamang mag-guest sa kanyang concert?
“Pauwi-uwi po naman siya rito kaya sabi ko isabay na niya ang concert ko sa pag-uwi niya rito,” nakangiting sagot ni Aicelle.
“Gusto ko rin pong makita niya how I will perform sa first major concert ko.”
Pero hindi lamang sa teatro visible si Aicelle dahil ilang beses na rin siyang gumanap sa mga soaps sa GMA-7 at ngayon co-managed na rin siya ng Stages Productions with GMA Artist Center, kaya tiyak na more stage plays pa ang gagawin ni Aicelle soon.
- Latest