In terms of popularity nalampasan na raw kasi ni Sarah Regine gusto nang lumayas sa Kapuso, gusto raw mas pabonggahin ang career
Narinig lang naman namin ito sa mga bulung-bulungan. Aalis na nga ba si Regine Velasquez sa GMA-7? Suportado naman siya ng GMA at doon siya sumikat. Noong una, hindi namin pinapansin ang mga tsismis, pero ngayon ay masyado nang malakas para hindi pansinin.
Ang kuwento, nasa isang meeting daw ang singer kasama ang staff ng show at ginagawa na nila ang plano. Natural lang naman na minsan, ang ginagawa nilang plano ay para sa isang taon. Pero nawalan daw ng kibo ang staff sa minsan ay naging comment ni Regine na “ang haba naman ng plano ninyo, isang taon. Nandito pa kaya ako noon?”
Kung sa bagay, alam din naman siguro ni Regine na sa kanyang home network ay nagawa na niya ang lahat. Baka nga naghahanap naman siya ng ibang ideas para mapataas pa nang kaunti ang kanyang career. Sa ngayon kasi, maraming mga nagsusulputang singers na mukhang umabot na sa level niya kung hindi man ay nalalampasan na siya.
May nagsasabi pa ngang mukhang sa popularidad ay nalampasan na siya ni Sarah Geronimo na dati ay isa lamang contestant na nanalo sa singing contest sa TV na siya (Regine) ang host. Baka dahil doon kaya naghahanap na siya ngayon ng “greener pastures”.
Ganoon lang talaga ang buhay.
Pacman wala pang kumitang pelikula
Naging matagumpay naman daw ang premiere ng docu film tungkol sa buhay ni Manny Pacquiao na Manny na ginanap sa TCL Chinese Theaters sa Hollywood Boulevard. Dinaluhan iyon ng mga international celebrities at ng Pinoy basketball star na rin sa US na si Kobe Paras. Kung iisipin, malaking bagay ‘yan dahil ngayon lang nagkaroon ng isang Hollywood film tungkol sa isang Pinoy personality.
Iyan ay katunayan ng popularidad ni Pacquiao kahit na sa abroad, bagama’t paulit-ulit na niyang pinatunayan ‘yan bilang isang boxer. Masasabi nga ngayon na marami pa pala siyang ibang magagawa. Puwede siyang gumawa ng pelikula kung magreretiro man siya bilang isang boxer.
Dito rin naman sa Pilipinas ay may nagawa na siyang pelikula, mayroon pa ngang film bio niya. Pero ewan nga ba kung ano ang kulang sa mga pelikulang iyon. Basta may laban si Pacman, lahat ng tao nakatutok sa telebisyon. Halos walang tao sa kalye. Pero ang mga pelikulang ginawa niya, kumita naman pero hindi mo masasabing box office hit. Siguro nga ang tingin ng mga Pinoy kay Pacman ay isang sikat na boxer lang talaga.
Meron naman siyang sports show pero parang hindi rin masyadong matunog.
Dito sa atin, nag-record pa si Pacman ng kanta. Napapatugtog naman sa radio, pero dahil hindi nga rin niya masyadong naipo-promote, hindi rin masasabing ganoon kaganda ang kinahinatnan. At saka ang album ni Pacman, para bang ang turing nila ay novelty album lamang. Pero hindi pa nagkakaroon ng talagang concert si Pacman. Sa ganoon sana masusukat ang kanyang popularidad bilang isang singer.
Boxer si Pacman, artista, singer at congressman pa. Ano pa kaya ang susunod na gagawin niya?
- Latest