Pacman inulit ang hamong ‘fistory’ kay Mayweather
Kasabay ng pagpasok ng 2015 ang muling paghamon ni Congressman Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather, Jr. na gumawa sila ng ‘fistory.’ Walang kiyeme na ipinarating ni Papa Manny kay Bb. Mayweather, Jr. noong December 31 ang kanyang hamon na “The ball will drop at midnight to usher in 2015. @FloydMayweather let’s not drop the ball on fighting each other next year!#LetsMakeFistory.”
Busy pa yata si Bb. Mayweather sa pagdiriwang ng Bagong Taon kaya dedma pa siya sa imbitasyon ng Pambansang Kamao.
Puwede rin na nag-iisip pa si Bb. Mayweather ng isasagot o itataray kay Papa Manny dahil hindi niya inaasahan na uulitin ng Pambansang Kamao ang hamon sa kanya na mag-rumble na sila sa boxing ring ngayong 2015.
12 foot wedding cake nina Dong-Yan, pasok sa Guinness World Records?!
I’m sure, nagulat sina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa balita na pang-Guinness World Records ang kanilang 12-foot wedding cake.
Never na sumagi sa isip ng mag-asawa na mapapansin sa international scene ang kanilang giant wedding cake na gawa ng Goldilocks.
Kung idedeklara ng Guinness na World’s Tallest Wedding Cake ang wedding cake nina Marian at Dingdong, lalong magiging makasaysayan ang royal wedding ng mag-asawa.
May sariling eksena sa wedding reception nina Dingdong at Marian ang 12-foot 3D mapping wedding cake.
Umani ng papuri mula sa mga bisita ang wedding cake dahil sa iba’t ibang design na umapir at epekto ng 3D mapping.
Hindi ko pa nakakausap ang bagong kasal kaya hindi ko pa alam ang presyo ng bonggang-bonggang wedding cake.
Mas mabuti pa yata na tanungin ko ang may-ari ng Goldilocks dahil regalo nila kina Marian at Dingdong ang sosyal na wedding cake na napakabigat kaya sampung tao ang nagbuhat para maipasok ito sa Mall of Asia Arena.
Mestisang Caviteña ni Dingdong may lss
Mestisang Caviteña ang title ng original song na composition ni Janno Gibbs at wedding gift ni Dingdong para kay Marian.
Girl na girl ang pakiramdam ni Marian nang kantahin ni Dingdong ang Mestisang Caviteña.
Touched na touched siya sa effort ni Dingdong na mabigyan siya ng unique wedding gift.
Nang ihain ng mga waiter ang dessert sa mga bisita, nakita nila ang maliit na papel na nakatali ng black ribbon.
Nang buksan nila ang papel, nabasa nila ang nakasulat na “Marian Rivera, mestisang Caviteña, I love you, I don’t care if you’re Dyesebel or Darna.”
Nalaman lang ng mga bisita ang relevance ng papel nang ialay at kantahin ni Dingdong ang wedding song niya para sa kanyang asawa.
May last song syndrome factor ang Marian Rivera Mestisang Caviteña dahil kinakanta ito ng mga bisita matapos ang performance ni Dingdong.
Regine mas pinili ang countdown ng TV5 kesa sa GMA
Hindi kasali si Regine Velasquez sa New Year Countdown ng GMA 7 sa bayside ng Mall of Asia dahil naki-join siya sa kanyang mister na si Ogie Alcasid na isa sa mga host ng New Year Countdown ng TV5 sa Quezon City Memorial Circle.
Malapit lang ang bahay nina Regine at Ogie sa Quezon City Memorial Circle kaya understandable na ito ang pinuntahan niya.
Gumawa ng ingay ang New Year Countdown ng TV5 dahil ipinakita ito sa CNN na ikinatuwa ng mga Pinoy dahil napatunayan natin na hindi tayo nagpahuli sa ibang mga bansa na sosyal ang pagsalubong sa pagpasok ng 2015.
- Latest