Annabelle Rama wala pa ring sinasanto!
MANILA, Philippines - Walang sinasanto si Tita Annabelle Rama sa mga anak niya na aming nasaksihan nang isama kami sa taping sa Cebu City ng It Takes Gutz to be a Gutierrez. Hindi puwede sa kanya ang papatay-patay o mabagal dahil makakatikim talak to the max sa kanya ang may pagkakamali.
August nang isama kami ni Tita A kasama sina Dondon Sermino at Allan Diones sa Cebu City. Sosyal ang hotel na tinuluyan namin, ang Moven Pick at dolyares ang bayad ng gustong mag-check in dito at i-avail ang amenities ng hotel. Pero dahil sa marunong makipag-deal, nakuha ni Tita na libre ang buong entourage ng mag-taping doon ang reality show. Mapapanood ang Cebu escapades ng pamilya this Sunday sa E! Channel.
Sa totoo lang, binawalan din kaming magsalita tungkol sa naganap na taping sa Cebu. May waiver kaming pinirmahan na ang maglalabas ng balita at pictures nang naganap sa taping ay P1M ang babayaran, huh! Sa totoo lang, pati nga yaya ng pamilya Gutierrez ay pumirma rin ng waiver, huh!
Naimbyerna nga ang Australian director ng series. Paparazzi nga ang turing niya sa amin. Pero sinigurado naman siya ni Tita na trusted kami at walang lalabas sa news items. Kumbaga, what happens in Cebu, stays in Cebu! Kaya naman sa tuwing magkukrus ang landas namin sa lobby ng hotel ni Tito Eddie G, agad sumesenyas sa aming no talk!
Sa taping na ‘yon nasaksihan namin ang pagiging tutok ni Tita A sa lahat ng detalye ng kailangan sa taping. Super asikaso niya ang staff pero pagdating sa mga anak ay mahigpit.
Si Ruffa nga, kapag napapatagal ang tawag sa cell phone, lalaki agad ang duda niyang kausap. “Naku, magtaka siya kung babae ang magustuhan ko! My gosh, ilang years na rin akong walang boyfriend, ‘no?” pahayag ni Ruffa sa aming chikahan.
Sa first day ng arrival ng grupo sa Cebu, ang eksenang tinatalakan ang isang anak ang aming nakita. Nagkaayos naman ang mag-ina. Pero habang walang taping, panay-panay ang meeting niya sa mga sponsor pati na ‘yung mga taong kausap sa next venue nila.
Sa unang gabi ay binigyan ng welcome party ang Gutierrez family sa isang club sa hotel. Take note na ilang courses ang food na ipinakain at non-stop ang drinking at sayawan.
The next day, isang outreach program ang ginawa ng pamilya sa barangay na pinamumunuan ng kapatid ni Tita A. Nagpakain sila sa mahigit 100 na bata and then, picture taking sa mga tao.
Nasundan ‘yon ng dinner sa Rama compound. Grabe ito sa lawak at pagdating ng pamilya, with matching ati-atihan ng mga bata ang sumalubong sa kanila, huh! Isang masagang dinner ang naganap na nagsilbi na ring reunion ng Rama at Gutierrez.
Sa sumunod na araw ay gising na ang lahat ng madaling-araw. Bumiyahe kami ng mahigit tatlong oras para pumunta sa beach kung saan dinarayo ito dahil sa butanding! Nakipaglaro sina Ruffa, Richard, Raymond, Sarah Lahbati sa mga butanding kaya naman exciting ang drama nilang ‘yon!
Nauna kaming bumalik ng Maynila kaya hindi na kami nakapunta pa sa isang wine tasting event na mapapanood din sa series. Pero worth naman ang biyahe namin at pagsama sa mga taping kahit nabusalan ang bibig namin at tanging selfie-selfie namin nina Dondon at Allan ang nakalagay sa aming social media accounts, huh!
Alden inilabas ang init ni Rizal
Hindi unanimous choice si Alden Richards para sa bayani-serye na Ilustrado kung saan lalabas siya bilang Dr. Jose Rizal. Ayon sa kanya sa press launch sa Historia restaurant, busy daw ang mga artistang kinunsidera kaya sa kanya naibigay ang role. Nauna itong ini-offer kina Dingdong Dantes at Dennis Trillo.
Makaka-romansa ni Alden sa series sina Kylie Padilla at Solenn Heussaff. Mas mapangahas nga lang ang eksena niya sa huli dahil may laplapan at lamapungan sila sa istorya.
“Wala ngang arte si Solenn sa eksena naming ‘yon,” say ni Alden.
Ang mga hindi pa alam na kuwento sa buhay ni Rizal ang mapapanood sa series.
“Mas binigyan lang namin dito ng focus ang love story nila ni Leonora Rivera (played by Kylie),” sabi pa ng aktor.
Ano naman ang natutunan niya sa pag-portray bilang Rizal?
“Ang dami! Si Rizal, very persistent sa pagtatanggol sa bayan. ‘Yung passion niya na ipaglaban ang tama at mga taong mahal niya sa buhay. Talagang nakakabilib at hahamakin ang lahat para magawa,” rason ni Alden.
Ang dami nga niyang babae sa series?
“Ang dami! Tatlo!” tugon niya.
Kaya nadiskubre niya ang init ni Rizal?
“Siguro po noon! Ha! Ha! Ha! Siguro doon niya itinutuon ang lungkot niya habang malayo siya sa pamilya!” katwiran ng aktor.
So parang tinodo na rin niya sa series ang pagiging tigang niya sa babae ngayon?
“Siguro nga, Tito Jun! Tinodo ko na rin! Ha! Ha! Ha!” sakay naman ni Alden.
Sa Oktubre 20 mapapanood ang Ilustrado bago ang Hiram na Alaala.
- Latest