Gwen Zamora bibida sa Magpakailanman
MANILA, Philippines - Kapag ang isang buhay ba ay hindi mo nagamit ng tama, may karapatan ka pang magkaroon ng pangalawang buhay?
‘Yan ang tanong na gustong masagot ni Monica Salazar, hindi niya tunay na pangalan, nang mapasok siya sa mundo ng pagnanakaw.
Mabuting tao si Monica, ngunit hindi naging mabuti sa kaniya ang buhay. Kaya naman nang magkaroon ng cancer ang kaniyang ina, minabuti ni Monica na lumaban na sa mapait niyang kapalaran.
Imbis na magpatalo na lang ng magpatalo, siya naman ang manlalamang. Naging isang kriminal si Monica. Isang magnanakaw. At kinilala siyang Baby Face.
Subalit, ika nga ng marami, crime does not pay. Mahuhuli si Monica ng mga pulis sa ginawang mga kasalanan. At makukulong siya.
Magsisisi si Monica sa kaniyang mga nagawa. Gugustuhin niyang magbagong buhay muli, at alam niyang hindi ‘yun mangyayari kung magpapakulong siya.
Kaya papayag siya sa proposal ng kaniyang abogado, para mabura ang lahat ng kaniyang criminal records, kailangan mabura rin niya sa mundo si Monica Salazar.
Palalabasin nilang namatay siya sa isang aksidente. Isang scheme na ang kapalit ay ang paglayo niya sa kaniyang pamilya, hanggang sa mawala na ang interest ng media kay Baby Face at sa kaniyang mga naging krimen.
Ngunit para saan ang kaniyang pangalawang buhay kung hindi naman niya kasama ang kaniyang pamilya? At paano mabubuhay ang isang babaeng walang nakaraan, at unti-unti ring nawawalan ng pag-asa sa kinabukasan?
Itinatampok din sina Alfred Vargas, Ping Medina, Lester Llansang, Victor Basa, Chariz Solomon, Jm Reyes, Menggi Cobarubias at Ms. Tessie Tomas.
Mula sa direksyon ni Argel Joseph, alamin ang tunay na kuwento ni Monica Salazar ngayong Sabado sa Magpakailanman, pagkatapos ng MARIAN sa GMA7.
- Latest