LT magaling na presidente, Julie Anne nagmukhang ate ng leading men
Nakapag-GMA primetime marathon ako nang ‘di oras nung Huwebes ng gabi. Magkakasunod kasi ang mga bagong programa sa Channel 7 maliban sa nagtapos na My Husband’s Lover kahapon.
Sa hilera ng Genesis, Akin Pa Rin ang Bukas, at Kahit Nasaan Ka Man, umangat sa lahat ang sci-fi drama nina Dingdong Dantes, Rhian Ramos, at Lorna Tolentino. Bago kasi ang konsepto at tiyak na makakakuha ng atensiyon dahil naka-timing ito sa lumalalang climate change at sa pangyayari sa Cebu at Bohol.
Ang masasabing pangit lang sa Genesis ay ang pag-ala ermitanyo ni DingÂdong sa kanyang espesyal na selda. At ang hindi maitodong special effects kaya hindi lumalabas na makatotohanan ang ilang eksena katulad sa pagyanig dahil sa lindol o pagsabog ng kung ano.
Kung sabagay, hindi naman ang Genesis ang unang Pinoy TV series na ginawang sci-fi. Bumawi na lang sila sa magandang kuwento at galing ng cast kahit ‘yung nasa minor roles lang.
Ang ganda ng kombinasyon nina LT at Jackielou Blanco hanggang nung nangangampanya sila pareho. At panalo ‘yung nanunumpa na si LT bilang presidente na nakabihis ang lahat ng ekstra sa likod niya ng Filipiniana. May foÂreign guests pa sa entablado bilang dignitaries kuno.
Ganun din sa eksenang nakikipag-meeting na ang lady president sa ibang foreign leaders dahil pinag-uusapan na ang nalalapit na paggunaw ng mundo. Lume-level na tayo sa style ng mga Koreanovela na paminsan-minsan ay kumokontrata rin ng mga banyaga na character actors.
Promising ang Genesis at posibleng tututukan ito ng mga primetime TV addict basta ‘wag lang ko-corny ang mga eksena.
Sa parte naman ng Akin Pa Rin ang Bukas ni Lovi Poe at Nasaan Ka Man ni Julie Anne San Jose, lumabas na mas may appeal sa young market ang kuwento ng musical romantic drama ni Julie Anne.
Kontemporaryo kasi ang takbo ng istorya ng Nasaan Ka Man at dahil din sa mga bagets pa ang bida. Kahit gasgas na ring maituturing ‘yung dating bulag na bida na biglang nakakakita na. Maayos naman ang dating ni Julie Anne pero medyo hindi bagay ang mga natokang leading men niya -- sina Kristoffer Martin at Lucho Ayala. Nagmumukha siyang ate ng dalawa.
Ang pinakamatatawag na luma sa pang-gabing TV series ay ‘yung kina Lovi at Rocco Nacino. At ito ang kailangang itulak paitaas kung ayaw nilang maglipat ng istasyon ang mga manonood ‘pag sila na ang palabas.
Narito ang ilan sa mga palasak at delikadong sangkap: Mayamang dalaga na nakipagtanan sa mahirap at dinala sa probinsiya, may matapobreng donya na lola na, at may social climber na kontrabida na mang-aakit ng amo. Kahit hinÂdi pa ipakita ang teaser ng susunod na episode kinabukasan ay alam na ng televiewers ang susunod na mangyayari. Itatakwil si Lovi at eeksena ang magiging madrasta niyang gusto ng buhay mayaman.
Magaling naman sina Rocco, Gary Estrada, Cesar Montano, at kahit si Tiya Pusit na natural umarte. Overacting pa ngang lumabas ang pagmamaldita ni Liza Lorena. Pero lahat sila ay background lang ng bidang si Lovi kaya ang dapat ayusin ay ang kanyang istorya, acting, at pananamit para hindi mangulelat sa primetime ang tinaguriang Primera Aktresa.
***
May ipare-rebyu?
E-mail: [email protected]
- Latest