Dahil kay Gerald, pagka-best actress ni Nora Aunor muntik nang maudlot
“Unity” ang tema ng 26th PMPC (Philippine Movie Press Club) Star Awards for Television na ginanap last Sunday, Nov. 18, sa Ateneo, Henry Lee Irwin Theater, Katipunan Road, Quezon City at napangatawanan naman ito sa buong presentation dahil makikitang nagsama-sama talaga ang lahat ng artista ng iba’t ibang networks ng gabing iyon.
Sa speech ni German Moreno ay sinabi niyang sana ay wala nang network war na sinegundahan naman ng isa sa hosts na si Toni Gonzaga.
But in any awarding ceremonies naman talaga ay may natatalo at may nananalo, ang big winner ay ang ABS-CBN na humakot ng 30 awards sa 45 kategoryang ipinamigay, kabilang na ang best station.
Nakakuha naman ang GMA 7 ng limang awards, habang ang TV5 ay lima at isa naman for Net25.
Dalawa ang nag-tie nang gabing iyon. Rufa Mae Quinto and Pokwang tied for best comedy actress for Bubble Gang and Toda Max, respectively; habang sina Nora Aunor at Helen Gamboa naman ay nag-tie rin for best drama actress para naman sa Sa Ngalan ng Ina at Walang Hanggan, respectively.
Naging emosyonal naman si Jericho Rosales pagbaba ng stage matapos niyang tanggapin ang kanyang best drama actor award for Dahil sa Pag-ibig. Napaiyak siya sa gilid ng stage dahil hindi niya inaasahang siya ang mananalo since ang gagaling din ng mga nakalaban niyang sina Gerald Anderson, Piolo Pascual, Coco Martin, Dingdong Dantes, Richard Gomez, at Eddie Garcia.
Maagang dumating si Sylvia Sanchez sa awards night pero hindi na niya nahintay ang announcement ng kategoryang best actress in a single performance na siya ang nanalo dahil may flight siya patungong Holy Land. Sa halip, ang tatlo niyang anak ang tumanggap ng kanyang award kabilang na si Arjo Atayde na nanalong best new male TV personality.
Maaga ring dumating si Billy Crawford pero hindi na rin niya nahintay ang pagkakapanalo niya ng best male TV host for ASAP 2012 at sa halip ang tatay-tatayan niyang si Kuya Germs ang tumanggap nito.
Muli na namang nanalo si Toni bilang best female TV host for ASAP 2012 pero nang mabulol siya sa pagbanggit ng pangalan ni Laguna Gov. Jorge “ER” Estregan ay nagbiro siyang isosoli na niya ang award.
Hinandog naman ni Robin Padilla ang best comedy actor award niya for Toda Max sa asawang si Mariel Rodriguez. Ikinuwento niya sa acceptance speech na dapat ay ang misis ang leading lady niya sa naturang sitcom pero hindi nag-materialize hanggang sa lumipat na nga ito sa TV5.
Tinanong niya noon si Mariel kung tatanggapin pa niya ang Toda Max dahil ’pag sinabi raw nitong huwag ay talagang hindi niya tatanggapin. Pero say ng asawa ay tanggapin niya at iyon ang ginawa niya. Pinasalamatan niya ang misis dahil heto nga nama’t naging best comedy actor pa siya sabay-sabing “I love you, babe!”
Dumagsa naman ang Noranians sa Henry Lee Irwin Theatre at talaga namang napuno ng sigawan ang teatro sa pagdating pa lang ng Superstar.
Ang nakakatuwa, muntik nang mag-walk out ang Noranians dahil hindi agad nabanggit ng presentor na si Gerald Anderson ang name ng Superstar bilang ka-tie ni Helen for best drama actress.
Biglang natahimik sa buong teatro at nakitang isa-isa nang nagtatayuan ang Noranians. Pero nang masenyasan si Gerald na tie nga at basahin na ang name ni Ate Guy, biglang nagsigawan ang fans niya at bumalik na sa upuan.
Humabol naman ang winners ng taga-News and Public Affairs ng GMA 7 dahil bago mag-start ang awards night ay hindi pinayagang dumalo ng management ang nominees gaya nina Jessica Soho, Vicky Morales, Kara David, atbp. sa kadahilanang ipalalabas ang awards night sa ABS-CBN.
Pero balitang umapela sa management ang mga nasabing nominees and good thing, pinayagan naman sila basta ’wag lang mag-presentor.
Kabaligtaran ito sa entertainment division ng Kapuso dahil nakiisa sila sa temang Unity at pinayagang mag-perform at mag-presentor sina Aljur Abrenica, Jay-R, Mark Herras, Teejay Marquez, Kuya Germs, atbp.
The awards night was hosted by Kris Aquino, Toni, at Aga Muhlach.
Mapapanood ang Star Awards for TV on Nov. 25 sa Sunday’s Best ng ABS-CBN. Ito ay mula sa direksiyon ni Al Quinn produced by Tess Celetino-Howard of Airtime Marketing, Inc.
- Latest