MANILA, Philippines - Nasa tamang landas ang paghahanda ng Philippine Azkals para sa 2012 Suzuki Cup sa Nobyembre sa Bangkok, Thailand.
Ito ang tinuran ni Philippine Football Federation (PFF) President Mariano ‘Nonong’ Araneta sa Azkals na nagtala ng isang tabla at isang talo sa dalawang international friendly games na kumumpleto sa kanilang Middle East Training Camp.
Naunang humirit ang Azkals ng 0-0 draw sa Bahrain noong Oktubre 12 pero minalas na nalusutan ng Kuwait, 2-1, na nilaro sa Kuwait City noong Miyerkules ng madaling araw.
“We are on track as far as our preparations for the Suzuki Cup is concern. Our goal when we compete in the Peace Cup against lower rank team was to win to build confidence. Then we will play higher rank teams to know our level. Palagay ko ay maganda naman ang ipinakikita ng team,” wika ni Maariano.
Bagama’t natalo, tinuran ni Araneta ang magandang kondisyon ng panga-ngatawan ng mga Azkals kaya’t hindi ininda ang mabilis na aksyon na nangyari sa unang 30 minuto ng labanan.
Naunang nakaiskor ang host team pero tumabla ang Azkals sa 60th mi-nute sa free kick ni Phil Younghusband.
Pero minalas na tinawagan ng foul sa loob ng penalty box si Juan Luis Guirado para sa penalty kick ni Hamad Al-Enezi sa 70th minute tungo sa panalo.
“Iba na ang fitness level ng players. Ang bilis ng laro sa first 30 minutes at kung hindi maganda ang kondisyon nila, hindi nila magagawa na sumabay sa kabuuan ng laro. One adjustment I think that they have to do is in offense and they need to push more goals. Outside of that, I think we’ll be ready for the Suzuki Cup,” dagdag ni Mariano.
Maging ang team manager na si Dan Palami ay kontento sa ipinamalas ng Pambansang koponan na nakilala noong 2010 nang pumasok sa semifinals ng Suzuki Cup.
“This game against Kuwait showed us where we are…but even more significantly, it has shown us where we could be,” tweet ni Palami.
Ang delegasyon ay inaasahang bumalik ng bansa kagabi.