Tres Queridas (77)
HINDI sa isang mamahaling penthouse sa BGC o sa isang pribadong hangar sa Clark tumuro ang huling bakas ng signal ni Carlo.
Sa loob ng bumibiyaheng van, nakatitig sina Celeste, Diana, at Jack sa kumikislap na lokasyon sa screen ng lead technician.
“Isang foreclosed na ari-arian sa New Manila,” ulat ni Diana habang binabasa ang property registry na lumabas sa tablet. “Sampung taon nang nakakandado at inabandona matapos ma-bankrupt ang Salvador Group. Walang kuryente, walang nakarehistrong bantay, pero doon direktang nag-ping ang transmitter ni Carlo.”
“Hindi na tayo maghihintay ng umaga,” utos ni Celeste, sabay pindot sa send button ng kanyang tablet. Sa isang iglap, sabay-sabay na ipinadala ng sistema ang kumpletong decrypted files, ang confession ni Arthur, ang money trail mula sa duffel bag at ang audio logs ni Carlo, direkta sa NBI Special Task Force. “Bago pa sumikat ang araw, burado na nang tuluyan ang pangalan ni Hector Salvador.”
Dalawampung minuto ang lumipas, tahimik na huminto ang convoy ilang kanto mula sa matataas at nilulumot na pader ng lumang mansiyon ng mga Salvador. Walang ilaw sa loob ng malawak na bakuran; tanging ang maputlang liwanag ng buwan ang tumatama sa kinakalawang na bakal na gate at sa mga ligaw na damong bumabalot sa dating marangyang hardin.
Gamit ang bolt cutters, walang ingay na pinutol ni Jack ang nakakandadong kadena. Kasama ang dalawang point-men, tahimik na pinasok nina Celeste, Diana, at Jack ang loob ng gusali.
Amoy lumot at nabubulok na kahoy ang sumalubong sa kanila sa madilim na mansyon. Ang mga mamahaling muwebles ay nakabalot pa rin sa maalikabok na puting tela. Mula sa dulong bahagi ng living room, isang malamlam na asul na liwanag mula sa screen ng laptop ang bahagyang nagbibigay-liwanag sa gitna ng dilim.
Nakatayo roon si Hector Salvador. Nakasuot ng kupas na amerikana, habang paulit-ulit na pinipindot ang refresh sa kaniyang encrypted terminal, naghihintay sa kumpirmasyong patay na ang ama ni Celeste. Inubos na niya ang lahat ng natitira niyang lihim na pondo para sa operasyong ito. Wala na siyang natitirang tauhan sa paligid. Nag-iisa na lang siya sa gitna ng guho.
“Hindi na darating si Carlo, Tito Hector.” (Itutuloy)
- Latest















