^

Punto Mo

Tres Queridas (37)

Ronnie M. Halos - Pang-masa

TINITIGAN ni Diana si Jack habang pinupunasan nito ang mantsa ng kape sa damit. Naintindihan ni Diana kung bakit may bodyguard si Celeste. Dahil sa kanyang katayuan sa buhay, natural lang na magkaroon ito ng bodyguard sa ganitong uri ng sitwasyon. Ngunit pagkatapos ng lahat nang panloloko at pagmamanipula ni Carlo, marahang gumapang ang pait sa dibdib ni Diana. Pakiramdam niya, nawalan na siya ng kakayahang magtiwala sa kahit sinong lalaki.

Ipinikit ni Diana ang mga mata at mabilis na pinawi ang damda­ming iyon. Hindi ito ang oras para maging praning. Nasa isang lugar sila na wala silang kilala. Alam niyang kailangan nila ng tulong at karagdagang lakas para sa anumang naghihintay sa kanila.

Bago pa man makapagsalita si Diana para hu­mingi ng paumanhin kay Jack, biglang bumukas ang pinto ng emergency room at lumabas ang nag-iisang doktor ng Rural Health Unit. Agad na sinalubong nina Diana, Celeste, at Jack ang doktor.

“Kumusta po si Lani?” tanong ni Celeste na may bahid ng pangamba.

“Ligtas siya at ang kanyang baby sa sinapupunan,” sagot ng doktor na nagpababa sa matinding tensiyon sa silid. “Ngunit masyadong mataas ang stress ng pasyente. Kailangan niya ng strict bed rest. Bawal siyang gumalaw o bumiyahe sa loob ng susunod na dalawang araw.”

Nakahinga nang maluwag sina Diana at Celeste. Mabilis silang pumasok sa loob para silipin si Lani. Nakahiga ang dalaga, namumutla, ngunit naging payapa ang mukha nang makitang ligtas ang kanyang dinadala.

“Dito ka lang muna, Lani,” sabi ni Diana habang marahang hinahaplos ang noo nito.

Paglabas nila sa hallway ng ospital, humarap si Jack kina Celeste at Diana. Inilabas ng private investigator ang kanyang maliit na notepad mula sa loob ng jacket.

“May dahilan kung bakit hindi ako agad nagpakita sa inyo noong nasa barko pa tayo,” mahinang simula ni Jack, pabulong na nagsasalita habang nagmamasid sa paligid. “Habang bubimiyahe tayo, naki­pagkwentuhan ako sa ilang pasahero na taga-Isla Balod. Nagtanung-tanong ako tungkol sa mga lumang pasilidad ng Vergara Shipping.”

Tumingin si Jack nang diretso kay Celeste. “May isang bahagi ng isla na matagal nang iniiwasan ng mga tao rito, ang abandonadong shipyard sa dulo ng hilagang baybayin. Sabi ng mga tagarito, may nakakakita raw ng ilaw doon kapag gabi at may lalaking nagtatago roon nitong mga nakaraang linggo. Walang gustong lumapit dahil pribadong ari-arian daw at may nagbabantay.”

Nagkatinginan sina Diana at Celeste. Wala nang duda, doon nagtatago si Carlo. (Itutuloy)

TRES QUERIDAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with