^

Punto Mo

Babae sa PMA, Lider ng Bayan!

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

Sa mundong matagal na ipinagkait sa kababaihan, pinatunayan ni Leah Lorenzo Santiago na walang puwang ang diskriminasyon kapag determinasyon, talino at tapang ang puhunan. Mula sa pagiging kadeteng kailangang makipagsabayan sa mga lalaki, ngayon ay siya na ang mamumuno sa pagsasanay ng mga susunod na opisyal ng militar ng Pilipinas.

Noong 1993, kabilang si Santiago sa unang 17 babaeng tinanggap ng Philippine Military Academy (PMA). Isipin mo, mga kabataan: isang institusyong dekada nang para lamang sa kalalakihan, biglang nagbukas ng pintuan para sa kababaihan. Pero hindi porke nakapasok ka na, panalo ka na. Kasunod nito ang matinding disiplina, hirap at pagsubok na susukat kung hanggang saan ang kaya mong ipaglaban.

Sa 17 babaeng nagsimula, pito lamang ang nakapagtapos. Tinawag silang Magnificent Seven. At si Santiago? Pangatlo siya sa buong klase at kauna-unahang babaeng nagtapos bilang summa cum laude sa kasaysayan ng akademya.

Hindi biro ang pinagdaanan niya. May mga pagkakataong kinuwestiyon ang kakayahan ng mga babaeng kadete. Sa isang ulat noong 1997, ikinuwento ang hirap na kanilang hinarap, kabilang ang pagkakataong hinimatay si Santiago sa isang pagsasanay. Pero hindi siya nagpaawat sa hirap. Bumangon, nagpatuloy at tinapos ang laban.

Ngayong Oktubre 17, 2026, muling gumawa ng kasaysayan si Santiago nang italaga bilang kauna-unahang babaeng commandant of cadets ng PMA. Bilang koronel ng Philippine Army, hawak niya ngayon ang responsibilidad na hubugin ang disiplina, kakayahan at pamumuno ng mga magiging opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Hindi rin naman medalya at matataas na marka lang ang puhunan niya. Nagsilbi siya sa mga yunit ng hukbo, namuno sa mga tauhan, humawak ng mahahalagang tungkulin at nag-aral pa sa mga institusyon sa Pilipinas at Australia.

Pero higit sa ranggo at karangalan, mahalaga ang mensahe niya sa mga kadete: hindi kailangang maging perpekto, pero kailangang marunong umamin sa pagkukulang, tumanggap ng puna at magsikap na bumuti.

Ito ang dapat tandaan ng kabataan hindi hadlang ang kasarian, kahirapan o pinagmulan para mangarap nang mataas. Hindi sapat ang puro yabang at pangarap sa social media. Kung gusto mong umangat, samahan mo ng sipag, disiplina at paninindigan.

Si Leah Lorenzo Santiago ay patunay na ang dating pintuang sarado para sa kababaihan ay puwedeng buksan ng mga taong ayaw magpatalo sa limitasyong ipinapataw ng iba.

 

 

 

LEAH LORENZO SANTIAGO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with