^

Punto Mo

EDITORYAL — Mga Pinoy na walang makain, nadagdagan

Pang-masa

AYON sa September 2026 survey ng Social Weather Stations (SWS), umakyat sa 22.6 percent ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na walang makain. Mas mataas ito sa 20.3 percent na naitala noong nakaraang Hunyo 2026.

Ayon pa sa SWS survey, tumaas din ang severe hunger mula 4.5 percent hanggang 6.4 percent. Sa mga nagsabing mahirap ang kanilang pamilya, tumaas ang hunger rate mula 24.5 percent tungong 27.9 percent.

Ang SWS survey ay hindi lamang simpleng numero. Ibig sabihin, mas maraming pamilya ang napipilitang pumalya sa pagkain dahil walang maihain sa hapag.

Kasabay naman sa kawalan ng makakain ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin—bigas, isda, karne, sardinas, gatas, noodles, at iba pang pangangailangan.

Noong nakaraang Setyembre, umabot sa 7.2 percent ang overall inflation. Umakyat sa 6.7 percent ang food inflation, habang nasa 20.3 percent ang inflation sa bigas.

Mas mabigat ang epekto sa mga pamilyang isang kahig, isang tuka o mga walang tiyak na inaasahang pagkukunan sa araw-araw.

Sila ‘yung may kakainin ngayon pero bukas o sa makalawa, hindi na alam kung saang kamay ng Diyos sila kukuha o magdedelihensiya.

Maraming kakarampot ang kita ang nagdaranas ng gutom. Hindi makasapat ang kanilang sahod. Samantala, hanggang ngayon, hindi pa inaalis ng Supreme Court ang TRO sa pagpapatupad ng P85 wage increase sa Metro Manila. Patuloy ang protesta para ipatupad na ang umento sa sahod na dapat ay noon pang Hulyo 2026 nagkabisa.

Ipinagkaloob naman ang wage increase sa ibang rehiyon sa bansa noong nakaraang buwan. Kasama sa increase ang mga kasambahay.

Mas mahalagang tanungin kung bakit, kasabay nang mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin, mas maraming pamilya ang nakararanas ng gutom o hindi na kumakain.

Ang pag-unlad ay mahirap ipagmalaki kung hindi nito napoprotektahan ang mga pamilya laban sa pagkawala ng pagkain sa hapag.

Kailangan ang agarang ayuda sa mga pamilyang pinakatinatamaan, pero hindi iyon dapat ang tanging sagot. Kailangang mapanatiling sapat ang supply ng pagkain, mapababa ang gastos sa transportasyon at produksiyon, masuportahan ang mga magsasaka, at maprotektahan ang pinakamahihirap sa panibagong price shock.

Sa huli, ang pag-unlad ay dapat maramdaman sa pinakapayak na paraan: kung may sapat na pagkain at hindi kailangang magpalipas ng gutom ang isang pa­milya. Sana maramdaman ng mga namumuno ang hapdi ng sikmura ng mga isang kahig, isang tuka. Makagawa sana sila nang pangmatagalang solusyon para maiwasan nang nakararami ang nararanasang pagkagutom.

HUNGER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with