Parekoy (11)
“BASTA alalayan mo lang ako, Parekoy. Pero pag-aaralan ko nang huwag madungo kapag may kaharap na babae. Palagay ko, kapag nalabanan ko ang pagkatorpe e makakatikim na sa akin si Sarah,” sabi ni Lino kay Ping.
Napahagakgak si Ping. “’Yan ang gusto ko sa’yo Parekoy. Tama ka, kaila-ngang labanan mo ang pagkatorpe. Kapag hindi mo nilabanan e baka tuluyan ka nang maging matandang tinali, ha-ha-ha!’’
“Humanda sa akin si Sarah pagbalik ko diyan.’’
‘‘Ganyan nga, Parekoy. Lalakasan mo lang ang loob at magtatagumpay ka.’’
“E ikaw Parekoy kailan ka naman manliligaw?’’
“Madali lang akong manligaw Parekoy. Basta ang usapan natin, ikaw na muna ang maunang mag-asawa at saka susunod ako.’’
“Gusto ko e sabay tayo Parekoy.’’
“Ha-ha-ha! Mas maganda kung ikaw na muna ang mauna, Parekoy. Madali lang akong makahanap ng sisiyotain. Hindi ko lang maaasikaso ngayon dahil inaalala ko pa si Inay na naapektuhan nang mamatay si Itay. Kawawa naman kung basta ko siya pababayaan.’’
“Napakabait mong anak, Parekoy,’’ sabi ni Lino.
‘‘Medyo lang, Parekoy. Teka kailan ka babalik dito sa probinsiya?’’
‘‘Next month nandiyan na ako.
“Pasalubong ha?’’
MAKARAAN ang isang buwan, nagtungo uli sa probinsiya si Lino. Marami siyang pasalubong kina Parekoy at Sarah.
Habang naglalakad, iniisip niya kung paano ang diskarteng gagawin niya kay Sarah.
(Itutuloy)
- Latest