Maghagdanan para sa mahabang buhay
May bagong pag-aaral na muling nagpapaalala na hindi kailangang maging magastos o komplikado ang ehersisyo para makatulong sa kalusugan. Ang simpleng pag-akyat sa hagdan sa halip na pagsakay sa elevator ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa puso at pangkalahatang kalusugan.
Isang grupo ng mga researcher mula sa University of East Anglia (UEA) at Norfolk and Norwich University Hospital sa Inglatera ang nagsuri sa siyam na naunang pag-aaral tungkol sa stair climbing.
Lumabas sa pagsusuri na ang mga taong regular na umaakyat sa hagdan ay may 39 porsiyentong mas mababang panganib na mamatay dahil sa cardiovascular disease o mga sakit na may kaugnayan sa puso at mga ugat. Mayroon din silang 24 porsiyentong mas mababang panganib na mamatay mula sa anumang dahilan, kumpara sa mga taong mas bihirang umaakyat ng hagdan.
Iniugnay rin ng mga researcher ang regular na stair climbing sa mas mababang panganib ng ilang malulubhang cardiovascular condition, kabilang ang atake sa puso, stroke at heart failure.
Hindi naman ibig sabihin nito na ang pag-akyat ng hagdan ay garantiya na hindi magkakaroon ng sakit sa puso o hahaba ang buhay. Ang pagsusuri ay nagpapakita ng ugnayan sa pagitan ng madalas na stair climbing at mas mababang panganib. Hindi nito direktang napapatunayan na ang pag-akyat ng hagdan mismo ang dahilan ng pagbaba ng panganib.
Gayunman, may malinaw na pakinabang ang pagkakaroon ng regular na pisikal na aktibidad. Ayon kay Prof. Vassilios Vassiliou ng Norwich Medical School ng UEA, cardiovascular disease ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa buong mundo. Kabilang sa mga paraan upang mabawasan ang panganib nito ang regular na pisikal na aktibidad, wastong pagkain, hindi paninigarilyo, pagpapanatili ng tamang timbang at pagkontrol sa blood pressure, cholesterol at diabetes.
Praktikal ang paghahagdanan lalo na kung kulang o walang oras sa ehersisyo. Magagawa ito sa bahay, opisina, paaralan o iba pang gusali.
Ayon naman kay Dr. Sophie Paddock, cardiology specialist registrar sa Norfolk and Norwich University Hospital, maaaring maging alternatibo ang stair climbing para sa mga taong walang sapat na oras para sa regular na workout.
Siyempre, hindi para sa lahat ang paghahagdanan. Ang mga taong may problema sa pagla?akad, pisikal na kapansanan o ilang kondisyong pangkalusugan ay kailangang isaalang-alang ang kanilang kalagayan. Kaya sa susunod na makita ang hagdan at elevator, kung kaya naman, lalo na kung isa o dalawang palapag lamang ang pupuntahan, baka puwedeng piliin ang hagdan.
* * *
Email- [email protected]
- Latest















