Himas rehas
ALAM n’yo ba sa gitna ng hirap ng buhay at pangarap ng marami na makapagtrabaho sa ibang bansa, muling nagpaalala ang Korte Suprema: hindi biro ang manloko ng kapwa Pilipino.
Kasi pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na habambuhay na pagkakakulong at multang P5 milyon laban kay Elizabeth Espiritu Mendoza, isang recruiter na sangkot sa malakihang illegal recruitment noong 2015 at 2016. Bukod dito, napatunayang guilty rin siya sa hiwalay na kaso ng simpleng illegal recruitment, kung saan hinatulan siya ng 12 hanggang 20 taong pagkakakulong at multang P1 milyon.
Sa testimonya ng hindi bababa sa 12 biktima, iisa ang kwento inalok sila ng trabaho sa Japan may mataas na sahod, magagandang benepisyo, at mabilis daw ang proseso. Para sa mga kapos sa buhay, malaking pag-asa ito.
Kaya kahit gipit, naglabas sila ng pera mula P15,000 hanggang P45,000 bawat isa para sa placement at processing fees. Nagpasa sila ng requirements, umasa, at naghintay.
Pero sa huli, walang trabaho. Walang Japan. Walang balik ang pera. Dito na sila nagdesisyong lumaban at magsampa ng kaso.
Ayon sa rekord ng kaso, malinaw ang ebidensya wala palang lisensya mula sa gobyerno ang mga kumpanyang kinasangkutan ni Mendoza para mag-recruit ng mga manggagawa papuntang abroad. Pati si Mendoza at ang kanyang mga kasama, wala ring personal na awtoridad para gawin ito.
Sa simpleng salita: bawal silang magpadala ng tao sa ibang bansa para magtrabaho pero ginawa pa rin nila.
Hindi kinagat ng korte ang depensa ni Mendoza na isa lang din siyang aplikante at sumusunod lang sa utos ng iba. Para sa Korte Suprema, malinaw na siya mismo ang nanghikayat, nagpaliwanag ng proseso, at tumanggap ng pera.
Ayon sa desisyon, ginamit ni Mendoza ang ilang karaniwang style ng panlilinlang. Ipinakita ang sarili bilang konektado sa mga employer sa Japan. Pinangakuan ang mga aplikante ng mataas na sahod at benepisyo. Pinagmamadali ang mga biktima dahil “limited” daw ang slot.
Sa ganitong paraan, napaniwala niya ang mga biktima na maglabas agad ng pera.
Sa huli, pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Court of Appeals: guilty si Mendoza beyond reasonable doubt.
Ang mensahe ng desisyon ay malinaw:
Hindi dapat gawing negosyo ang pangarap ng kapwa, lalo na kung kapalit nito ang panlilinlang.
Para sa mga nagbabalak magtrabaho abroad, tandaan. Siguraduhing lisensyado ang recruiter o agency. Huwag agad maglalabas ng pera nang walang malinaw at legal na proseso. Magtanong at mag-verify sa tamang ahensiya ng gobyerno.
Sa panahon ngayon, hindi lang sipag ang puhunan kailangan din ng ingat at kaalaman.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay batay sa opisyal na ulat at desisyon ng hukuman. Layunin nitong magbigay-kaalaman sa publiko at hindi manira o manlibel ng sinuman.
- Latest
















