^

Punto Mo

Kalayaan sa Facebook

PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Kakatwang pagkakataon ang naganap noong gabi ng Hunyo­ 12, mismong Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Biglang nagkaproblema ang Facebook at Messenger. Maraming guma­gamit ang na-log out sa kanilang account at hindi makapag-login muli. Ang iba ay kinabahan at inakalang na-hack sila.

Ayon sa mga ulat, nagsimula ang problema bandang alas-9 ng gabi at hindi lamang sa Pilipinas naranasan kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Hindi kataka-taka kung bakit marami ang nabahala. Para sa ilan, ang Facebook ay hindi na lamang libangan kundi bahagi na ng pang-araw-araw na buhay. Dito sila nakikipag-usap sa pamilya at mga kaibigan, naghahanap ng balita, nagbebenta ng produkto, nagpo-promote ng negosyo, at kung minsan ay dito rin umaasa para sa trabaho at kabuhayan.

Ngunit maituturing ang ilang oras na pagkawala ng Facebook bilang isang pambihirang sandali ng kalayaan. Ilang oras ding naputol ang tuluy-tuloy na pag-scroll, pag-like, pag-share, at pagtingin sa mga notification. Napilitan ang marami na ibaling ang kanilang pansin sa ibang bagay na karaniwang natatabunan ng social media.

Sa nakalipas na mga taon, paulit-ulit nang may mga ulat na unti-unti nang iniiwan ng ilang kabataan ang Facebook at lumilipat sa ibang platform tulad ng TikTok, Instagram, Snapchat, at X. Mas nakararami na lang ang mga senior citizen na nananatili sa Facebook. Gayunman, nananatili itong isa sa pinakamalalaking social media platform sa buong mundo. Mahigit tatlong bilyong tao pa rin ang gumagamit nito buwan-buwan. Sa dami ng gumagamit, malinaw na hindi pa ito nawawala sa sentro ng digital na buhay ng milyun-milyong tao.

Kapansin-pansin ding mabilis tayong nakalimot na may buhay bago ang Facebook. Noong unang bahagi ng dekada 2000, namayagpag ang Friendster. Libu-libong Pilipino ang nahuma­ling dito. Nang dumating ang Facebook, halos tuluyan nitong napalitan ang Friendster at marami pang ibang social networking sites.

Hanggang ngayon, wala pa ring tunay na nakapagpapabagsak sa Facebook. May mga guma­gamit na umaalis ngunit marami rin ang bumabalik. May mga account na matagal nang hindi aktibo ngunit hindi rin tuluyang isinasara ng may-ari. Ipinakikita lamang nito kung gaano na kalalim ang pagkakaugat ng Facebook sa modernong lipunan.

Marahil ang pinakamahalagang paalala ng outage noong Hunyo 12 ay hindi tungkol sa teknolohiya kundi tungkol sa ating sarili. Sa loob lamang ng ilang oras na pagkawala ng Facebook, marami ang nakadama ng pagkabahala, pagkainip, o tila may kulang sa kanilang araw. Ipinakikita nito kung gaano na tayo nakaasa sa isang platform na hindi naman umiiral dalawampung taon na ang nakalipas.

Mabuti ring magkaroon ng alternatibo kapag nasisira ang Facebook. Ngunit higit na mahalaga, matutuhan nating mamuhay kahit pansamantalang wala ito. Ang magkontrol sa paggamit ng teknolohiya.

* * * * *

Email- [email protected]

PILIPINAS

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with