‘Araro’ (Last Part)
PAGDATING namin sa aming lumang bahay sa probinsiya, agad kong tinungo ang silong para makita ang lumang araro na ilang beses ko ring napanaginipan.
Maraming nakatambak sa aming silong na pawang gamit pambukid—suyod, galadgad, de-manong weeder at marami pa. Dahil walang naglilinis sa loob ng ilang taon, pawang agiw at sapot ng gagamba ang nakabitin sa silong. Marami ring alikabok.
Hinanap ko ang araro na sa pagkatanda ko ay nasa pinakadulo ng silong. Ang alam ko, nakabitin iyon para hindi kalawangin ang lipya. Sabi ni Itay noon, ang paglilinis sa talim ng araro ang susi para ito tumagal at abutin nang maraming taon.
Nahirapan akong makapasok sa dulo ng silong dahil sa mga nakabiting sapot at kung anu-ano pang dumi.
Nang marating ko ang kinalalagyan ng araro, ganun na lamang ang pagkagulat at pagkamangha ko.
Malinis na malinis at makintab na makintab ang talim ng araro. Halatang may naglilinis dahil nang hipuin ko ang hawakan at lipya ng araro, makintab na makintab. Wala ni katiting na alikabok!
Kung gaano karumi ang iba pang gamit, napakalinis ng araro!
At naisip ko, kaya ko napanaginipan ang araro ay para mapuwersa kaming dumalaw dito at makita ang kamangha-manghang nangyari sa araro.
Sa isip ko, wala nang ibang maglilinis ng araro kundi si Itay.
Tinawag ko ang aking mga kapatid at ipinakita ang araro.
Sila man ay nabigla. Iisa rin ang nasa isip nila kung sino ang naglinis ng araro.
Mula noon, lagi na kaming dumadalaw sa aming lumang bahay sa probinsiya para maalagaan ang araro ni Itay.
- Latest