^

Punto Mo

Paglilinaw sa ‘stroke’

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Sa isang artikulo sa Medical News Today, nililinaw ang ilang bagay hinggil sa stroke, isang klase ng sakit na nakakamatay kundi man nakakapagdulot ng kapansanan sa tao. Isa ito sa pangunahing nakakamatay na sakit sa Pilipinas.

Ang stroke na kung minsan ay tinatawag na brain attack ay nangyayari kapag merong bumara sa daloy ng dugo sa utak o kapag merong pumutok na ugat sa utak. May bahagi ng utak na napipinsala o namamatay. Maaari itong magdulot ng habambuhay na pinsala sa utak, pangmatagalang kapansanan o kamatayan.

Kinapanayam sa Medical News Today ang isang dalubhasa sa Amerika na si Dr. Rafael Alexander Ortiz na naging hepe ng Neuro-Endovascular Surgery and Interventional Neuro-Radiology sa Lenox Hill Hospital.

Nilinaw dito na ang stroke ay isang problema sa utak, hindi sa puso. Dulot ito ng pagbara o pagkasira ng mga ugat sa utak.

Maiiwasan ang stroke sa sistema ng pamumuhay. Ang regular na ehersisyo, pagkain ng masusustansiyang pagkain, pagbawas kundi man tuluyang pag-iwas sa alak at sigarilyo ay nagpapabawas sa mga bagay na nakakapagdulot ng stroke tulad ng hypertension, high cholesterol, obesity, diabetes, head o neck trauma, at cardiac arrhythmias.

Karaniwang sintomas ng stroke ang pagtabingi ng mukha na isang bahagi ang manhid at hindi pantay ang ngiti, panghihina ng mga kamay, hirap sa pagsasalita, pamamanhid o panghihina ng mukha, braso, hita, o isang bahagi ng katawan, hirap maglakad, pagkahilo, at pananakit ng ulo nang walang dahilan.

Nagagamot ang stroke kung maaga itong nailalapit sa mga dalubhasa. Maaaring mabaligtad ang epekto ng stroke kung nagagamot nang maaga. Huwag nang patagalin kung may makikitang sintomas ng stroke.

Pagkalagpas ng tao sa edad na 55 anyos, dumodoble ang panganib na ma-‘stroke’ bagaman maaari rin itong mangyari kanino man ano man ang edad.

Hindi lahat ng stroke ay merong sintomas at, ayon sa ilang pananaliksik, mas karaniwan ang mga stroke na walang sintomas (silent stroke) kaysa sa mga merong sintomas. Natutukoy ang silent stroke kapag dinaan sa MRI scans ang pasyente para sa mga sintomas tulad ng pananakit ng ulo, cognitive issues, at pagkahilo.

Ang stroke ay isang pangunahing sanhi ng pangmatagalang kapansanan pero hindi lahat ng na-stroke ay nakakaranas ng pagkaparalisa o kahinaan. Lumilitaw sa isang pananaliksik na kalahati ng mga stroke survivor na edad 65 anyos pataas ay nababawasan ang pagkilos. Depende sa maraming bagay ang matagal na epekto ng stroke tulad ng dami ng kalamnan na naapektuhan, pinsala sa utak at iba pa.

Maaaring tumagal ng maraming buwan kundi man mga taon bago gumaling sa stroke. Pero marami ang maaaring hindi na gumaling. Sa mga stroke survivor, batay sa ilang pananaliksik, 10 percent ang halos gagaling nang ganap; 10 percent ang kailangang alagaan sa nursing home o isang pangmatagalang pasilidad; 25 percent ang gagaling pero merong ilang kapansanan; at 40 percent ang daranas ng katamtaman hanggang malubhang kapansanan.

Kritikal ang susunod na unang dalawa o tatlong buwan mula sa pag-atake ng stroke. Maaaring gumaling ang pasyente sa masusing motor rehabilitation. Ilan ang maaaring gumaling sa panahong ito. Kung sosobra pa rito o lagpas na sa anim na buwan, posible pa ring bumuti ang kalagayan ng pasyente pero mas mabagal.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

STROKE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->