‘Walis’ (Part 8)
NANG maghiwalay kami ni Ate Lydia ay nag-iisip ako habang naglalakad patungo sa school. Hindi ko inaasahan ang sinabi niya na tutulungan akong makaalis sa bahay ni Tiya Clems para matapos na raw ang paghihirap ko.
Bukas ng gabi ay magkita raw kami sa kanto. Ihanda ko raw ang aking mga dadalhing gamit.
Hanggang sa dumating ako sa aming school ay tila wala pa rin ako sa sarili dahil sa sinabi ni Ate Lydia. Mabuti na lang at wala na kaming klase noon dahil ilang araw na lang at graduation na namin. Nagpapraktis na kami sa pag-akyat sa entablado.
Bigla kong naisip, paano ako makakasama sa graduation kung aalis na ako sa bahay ni Tiya Clems. Hindi ko naman alam kung saan ako dadalhin ni Ate Lydia.
Pero naisip ko rin, mas mahalaga na makaalis ako sa bahay ni Tiya Clems kaysa pagdalo sa graduation. Ilang oras lang gaganapin ang graduation pero ang pagtira ko kay Tiya Clems ay maaring pangmatagalan kaya marami pa akong dadanasing hirap mula sa kanya. Marami pang hampas ng walis ang tatamasahin ko sa kanya.
Palihim kong nilagay sa isang bag ang aking mga gamit. Ilang damit lang naman at saka ang aking school records ang laman ng bag.
KINABUKASAN ng gabi, mag-aalas-dose, bitbit ang bag, palihim akong lumabas ng bahay. Tulog na tulog na sina Tiya Clems.
Nagmamadali akong nagtungo sa kanto na meeting place namin ni Ate Lydia.
Pero pagdating ko sa kanto, wala si Ate Lydia.
Naghintay ako. Hanggang may lumapit na babae sa akin.
(Itutuloy)
- Latest