Bayan at lunsod itatayo sa ilalim ng dagat?
MARAMING mamamayan sa mundo ang walang sariling lupa at tahanan. Dito man sa Pilipinas o sa ibayong-dagat kahit sa mga mayayamang bansa, may mga tao pa rin na naninirahan lang sa mga bangketa o kalsada, sa mga parke, ilalim ng tulay, nangungupahan lang sa masisikip at mumurahing kuwarto, nakikitira sa bahay ng ibang tao, nagiging iskuwater, nagtitiis mamuhay sa mga kabundukan at liblib na lugar na napakalayo sa kabihasnan.
Ang masakit, makakakita ka ng mga malalaki o maliliit na bahay at lupa na kahit merong nagmamay-ari ay walang nakatira at nananatiling bakante sa mahabang panahon na ang iba ay napabayaan na lang, nasisira at nabubulok. May mga malalaking bahay na isa o dalawa o tatlong tao lang ang nakatira at may mga maliliit na bahay naman na lubhang nagsisikip sa dami ng nakatira na umaabot halimbawa sa lima o 10 tao o mahigit pa.
Kaya nga kakatwa rin ang mga pagsisikap na makapagtayo ng kolonya ng mga tao sa Buwan o sa ibang planeta tulad sa Mars na, kahit masasabing makabuluhan naman at kapaki-pakinabang, nakakapagpaisip rin kung kailangan na nga ba ito sa gitna ng realidad na maraming mamamayan ang wala man lang matatawag at maaangkin nilang sarili nilang bahay at lupa dito sa ating sariling planeta.
Pero, habang abala ang mga dalubhasa sa paggalugad at pag-aaral sa malalayong bahagi ng kalawakan na kinabibilangan ng pananaliksik sa mga planetang maaaring mabuhay at manirahan ang tao, meron namang mga nag-eeksperimento kung paanong maaaring tumira ang mga tao sa ilalim ng dagat nang permanente.
May mga nagsisimulang magtayo ng mga research station at may mga sumubok nang tumira sa ilalim ng dagat pero hindi tumatagal nang mahigit isang taon. May mga namatay na nga sa ganitong mga pagsubok.
May mga pribadong kumpanya sa ilang mga mauunlad na bansa na sumusubok lumikha ng mga bahay o tirahan sa ilalim ng tubig. Karaniwang nagsisimula ito bilang mga underground laboratories o research station sa mga lawa o ilog pero merong ultimong layuning makalikha ng isang komunidad ng mga tao sa ilalim ng dagat. Maaaring dumating ang panahong makapagtayo rito ng mga bayan at lunsod. Ginagawan ng paraan na malunasan ang mga problemang nakakaharap dito tulad ng sa pressure ng tubig, oxygen, saturation, masamang panahon at klima, banta mula sa mga mababangis na hayop-dagat, solong pamumuhay na malayo sa kabihasnan sa lupa, kawalan o kakulangan ng liwanag ng araw, pagkain, epekto sa katawan ng tao sa pananatili sa ilalim ng tubig at iba pa.
Masikip na ba sa kalupaan ng Daigdig kaya kailangang gumawa ng bagong pamayanan sa ilalim ng dagat? Posible nga bang makapagtayo ng mga bayan at lunsod sa kalaliman ng Pacific Ocean, Atlantic Ocean, Arctic Ocean at Indian Ocean?
Dito sa Pilipinas, darating ba ang panahon na makakapagtayo ng bahay ang mga Pilipino sa ilalim ng Manila Bay, Pasig River, West Philippine Sea at ibang karagatan sa ating bansa? Ano ang magiging epekto nito sa mga isda, korales at ibang hayop na naninirahan sa karagatan at sa kapoaligiran nito?
Sabagay, sa kabila ng patuloy na pag-unlad ng sibilisasyon, marami pa ring karagatan sa mundo na ang pinakapusod o pinakailalim na bahagi ang hindi pa rin nagagalugad at nasisisid ng tao hanggang sa kasalukuyan.
Baka nga merong malawak na bahagi sa pinakapusod ng mga dagat na maaaring sakupin at panirahan ng tao. Lalo na kung makakatuklas ng tamang teknolohiya at kinauukulang sistema para mabuhay at makapanirahan siya rito nang permanente.
••••••
Email: [email protected]
- Latest