Dear Attorney,
Kapag wala po bang sinasabi ang employment contract tungkol sa retirement plan ay wala talagang makukuhang benepisyo ang empleyado? Gusto ko na sanang magretiro sa susunod na taon dahil 62 na ako at 10 taon na rin ako sa kompanyang pinapasukan ko ngayon.— Peter
Dear Peter,
Malinaw na nakasaad sa Article 302 ng Labor Code na kung walang retirement plan o anumang kasunduan sa pagitan ng employer at empleyado ukol sa pagreretiro, ang isang empleyadong may edad na hindi bababa sa 60-anyos at hindi lalampas ng 65-anyos ay maaring magretiro, sa kondisyon na siya ay nakapagtrabaho na sa kanyang kasalukuyang employer ng hindi bababa sa limang taon.
Sa ilalim ng nabanggit na probisyon, makatatanggap ang retiree ng kalahating buwang sahod kada taon ng kanyang naging serbisyo.
Applicable ang nabanggit kung ang empleyado ay nagtatrabaho sa isang establisyemento na may higit sa 10 empleyado.
Kaya kung ang pinapasukan mong kompanya ay hindi naman saklaw ng nasabing exception ay puwede ka nang magretiro base sa iyong edad at sa 10 taon mong naging serbisyo. May karapatan kang makatanggap ng retirement pay na katumbas ng 10 beses ng iyong kalahating buwang sahod.
Sa pagkompyut ng tamang halaga ng kalahating buwang sahod, kailangang nakabase ito sa kung magkano ang sinusuweldo ng empleyado nang siya ay magretiro.
Kailangan ding idagdag sa pagkompyut nito ang 1/12 ng kanyang matatanggap na 13th month pay at ang cash equivalent ng hindi hihigit sa limang araw na service incentive leaves.