BIGLAAN ang pagkamatay ng isang mayor. Ngayon ay nasa harapan siya ni San Pedro at kasalukuyang iniinterbyu.
“Kung ire-rate mo ang iyong sarili mula one hanggang 10 kung saan 10 ang perfect score, ano ang magiging score mo bilang isang mabuting tao?” tanong ni San Pedro sa kaluluwa ni Mayor.
“Ten!” buong gilas na sagot ni Mayor.
“Bakit?”
“Matulungin akong tao. Binigyan ko ng trabaho ang mga kababayan ko; lagi akong may donasyon sa simbahan at iba pang kawanggawa. Iniisip ko lagi ang kapakanan ng aking mga kababayan.”
“Hmmm, ganoon ba. Pero iyon ay opinyon mo. Paano naman ang opinyon ng iyong asawa, anak at ibang kamag-anak tungkol sa iyo? Papayagan ko ang iyong kaluluwa na bumaba muli sa lupa. Pakinggan mo ang sasabihin ng iyong mga mahal sa buhay tungkol sa iyo. Kung ang sasabihin nila ay kagaya ng sinabi mo, saka ako maniniwala na totoo kang mabuting tao.”
Pinuntahan ni Mayor ang kanyang misis na nagkataong kausap ng kanyang anak.
“Mommy, wala nang mananakit sa atin. Magiging masaya na tayo. Wala na ring magdidikta kung ano ang dapat nating gawin para hindi raw masira ang imahe niya sa taong bayan.”
“Oo, anak, malaya na tayong mabubuhay.”
Sunod na pinuntahan ni Mayor ang kanyang mga kamag-anak. Ito ang narinig niyang usapan.
“Naku, wala naman tayong napala diyan sa kamag-anak nating mayor. Mabuti pa ang ibang tao at lagi niyang natutulungan samantalang tayo na kamag-anak niya na malaki ang naitulong sa kanyang pagkapanalo ay hindi man lang natulungang maipasok sa trabaho kahit janitor lang sa kapitolyo.”
“Bakit kaya mas gusto niyang tulungan ang ibang tao?”
“Dahil kung ibang tao ang tutulungan, kakalat ang balita sa buong bayan tungkol sa kanyang kabutihan. Kung kamag-anak daw, wala lang, hanggang dito lang sa ating barangay kakalat ang balita.”