Engagement photo shoot sa Utah, nauwi sa paghahanap ng nawalang singsing
NAGMISTULANG kakaibang adventure ang engagement photo shoot ng magkasintahang Kim Zaw, 33, at Phil Mui, 34, sa Park City, Utah, matapos mawala ang singsing sa gitna ng niyebe.
Ayon sa photographer nilang si Sabrina Boehlke, napansin niyang nawawala ang singsing sa daliri ni Zaw habang kinukunan sila ng litrato.
“Nagsisimula pa lang ang shoot, tapos biglang nawala ang singsing,” kuwento ni Mui. “Agad kaming nag-panic dahil mahirap itong mahanap sa gitna ng snow”
Halos dalawang oras nilang hinanap ang singsing kasama ang kanilang photographer at ilang mga dumaan na tumulong. Dumating pa ang Park City Ski Patrol na may dalang metal detector upang makatulong.
Sa kabila ng hirap, si Mui rin mismo ang nakakita ng singsing na kumikislap sa ilalim ng niyebe.
“Nang sumigaw si Phil ng ‘Nakita ko na!’ parang lumipad ako sa tuwa at naiyak na lang ako sa sobrang saya,” sabi ni Zaw.
Ang insidenteng ito ay nagpaalala sa isang katulad na pangyayari kamakailan sa Cleveland, kung saan kinailangan pa ng mga bumbero upang mabawi ang isang engagement ring na nahulog sa drainage habang may photo shoot sa Cultural Gardens sa University Circle.
Ang nakatutuwang kuwento nina Zaw at Mui ay nagpaalala na kahit sa gitna ng mga hindi inaasahang aberya, ang pagmamahalan at pagtutulungan ang pinakamahalaga.
- Latest