Dear Attorney,
Legal po ba kung ang gusto ng company ay project employment muna ang status ng empleyado at pagkatapos ng dalawa o tatlong taon saka raw gagawing regular ang employee? — Lenny
Dear Lenny,
Wala naman akong nakikitang problema basta’t totoong project employment alinsunod sa depinisyon ng batas ang tinutukoy ng kompanya at alam ng mga empleyado ang mga karapatan nila nang pumayag sila sa ganyang kasunduan.
Upang masabi na isa ngang project employee ang isang empleyado, kailangang may isang partikular na proyekto na siyang pagbabasehan ng project employment at may nakatakdang panahon kung kailan ito matatapos at makukumpleto.
Kailangan din na alam ng empleyado kung kailan matatapos ang proyektong kanyang tatrabahuhin bago pa man siya magsimula. Mahalaga ito dahil ang employment ng mga project employees ay hanggang sa panahong matapos ang proyekto o ang alin man sa mga phases o yugto nito.
Labag sa batas kung tinatawag lamang ang mga empleyado na “project employee” upang hindi sila ma-regularize at upang malibre ang employer sa pagbibigay ng tamang benepisyo.
Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Ruben Carpio v. Modair Manila Co. Ltd. (G.R. No. 239622, June 21, 2021), ipagpapalagay na regular ang status ng isang project employee kung (1) ang kanyang trabaho ay mahalaga at kailangan sa negosyo at (2) bigo ang employer na patunayan na “project-based” lamang ang employment ng empleyado.
Walang sapat na detalye ang iyong inilahad na katanungan para masabi kung project employment nga ba talaga ang tinutukoy ng kompanyang nabanggit mo. Ang mahalaga ay hindi ginagamit ang project employment status upang makaiwas ang employer sa regularization ng kanyang mga empleyado.