Kabilang ang robocalls na nagagamit ng mga scammers para makapanlinlang ng kanilang mga bibiktimahin. Isa itong klase ng mga online scam na gumagamit ng computerized autodialer para magpahatid ng pre-recorded message na parang tinatawagan ka ng isang robot.
May mga pakinabang sa robocalls tulad sa mga lehitimong political campaign, negosyo, serbisyo publiko, kawanggawa, kalusugan at emergency pero madalas na nagagamit din ito ng mga scammer sa mga panloloko kaya maraming bansa ang nagbabawal o naghihigpit dito kaya kailangang mamulat at maging maingat dito.
Itinuturing na legal ang robocall kung ipinapahintulot ito ng mga taong nakakatanggap ng mga ganitong tawag.
Kapag merong tumatawag sa inyong cellphone at nakarinig ng recorded message sa halip na buhay na boses ng totoong tao, robocall ang naririnig. Nakaiinis at nakaaabala ang mga ganitong tawag sa telepono.
Sinasabi rin na illegal ang mga robocalls kapag meron itong ibinebenta maliban na lang kung meron kayong nakasulat na pahintulot sa kompanyang gumagamit ng ganitong teknolohiya. Bawal ang mga robocall na nangloloko o nandurugas sa mga tao.
Iminumungkahi ng Kapersky na kapag nakatanggap kayo ng nanlolokong robocall sa cell phone o kahit sa telephone landline, huwag itong sagutin. Huwag sumunod sa mga instruction ng robocall at huwag sabihin ang inyong pangalan.
Kapag sumagot at sumunod kayo, itinuturing ng scammer na aktibo ang inyong numero na mabibilang sa kanilang listahan kahit pa hindi kayo agad nabola. Pero tatawagan nila uli kayo dahil isa na kayong potensiyal na biktima. Nababawasan ang mga robocall kapag hindi ninyo ito sinasagot.
Malaki ang pinsalang nagagawa ng robocall scams. Kahit hindi nila nakuha ang impormasyon sa inyong credit card, ATM, bank account, password at iba pang mga sensitibong datos, aabalahin kayo nito. May robocalls na gumagamit ng pangalan ng mga lehitimong kompanya, ahensiya ng gobyerno o tao kaya dapat mag-ingat lalo na kung hindi ninyo kilala ang numero ng tumatawag sa cell phone. Huwag sumagot. Hanapin at kontakin ang totoong phone number ng isang parikular na kompanya o ahensiya o tao at alamin kung lehitimo ang tawag.
Kahit hindi n’yo sinagot ang robocall, huwag tawagan ang numero nito na narehistro sa inyong cell phone. Kapag tinawagan n’yo, mabeberipika nila na aktibo ang inyong numero na lalong magiging dahilan para makatanggap kayo ng marami pang spam calls.
Magagamit din nila sa iba pang mga panloloko sa ibang tao ang impormasyong ibibigay n’yo sa robot.
Huwag magpadala sa sinasabi ng robocall kapag alam nito ang inyong pangalan, tirahan at iba mo pang impormasyon dahil baka nakuha nila ito sa iligal na paraan. Kumpirmahin muna ito sa ibang kamag-anak o kakilala.
Alamin at gamitin ang mga safety features sa cell phone tulad ng sa pag-block ng mga numero ng robocalls. Maaaring sumangguni sa inyong network provider kung paano mapipigilan ang natatanggap na mga robocall. Maaring sumangguni sa National Telecommunications Commission.
Meron ding mga robocall na pini-pressure kayo hinggil sa isang emergency (naaksidente o naospital ang kapamilya halimbawa) kaya mainam na itigil ang pagkausap dito ata tawagan muna ang sinumang maaaring mapagkatiwalaan para makumpirma.
Bukod dito, may robocall na gumagamit ng artificial intelligence na nagagaya ang boses ng mga totoong tao kaya huwag magpakasiguro.
-oooooo-
Email: rmb2012x@gmail.com