ISANG bayan sa Canada ang may malaking problema sa nalalapit na municipal election sa Nobyembre, ito ay dahil wala ni isa sa kanila ang interesado na maging mayor!
Ang bayan ng Kyle ay matatagpuan sa Saskatchewan. Ito ay isang maliit na rural municipality na may 413 residents.
Ayon sa mga opisyal nito, magreretiro na ngayong taon ang kanilang mayor na si George Williams pero hanggang ngayon, wala ni isa sa 413 residents dito ang nagpapahayag ng interes na maging bagong mayor.
Sa panayam sa Chief Administrative Officer na si Amber Dashney, sinabi nito na dalawang beses na silang naglabas ng mga aplikasyon upang humingi ng nominasyon para sa pagka-mayor, ngunit walang nagpalista.
“Medyo nakababahala ito, pero naniniwala akong may isang maglalakas loob na tumakbo,” sinabi ni Dashney sa radio station na CKOM-AM.
Pero kung sakaling wala talagang tumakbo sa pagka-mayor sa Nobyembre 13, sinabi ni Dashney na pipili ang konseho ng isang pansamantalang mayor.