Balak i-hoard ang ­bigas? Umayos kayo!

NAKAPAGTATAKA talaga na hanggang ngayon, hindi pa kinukuha ng mga rice importer ang bigas na nasa mga pantalan. Ano kaya ang hinihintay nila at hinahayaang nasa container ang mga bigas na tinatayang nasa 23 milyong sako. Hindi ba’t kung ikaw ay rice importer, agresibo kang makuha agad ang binili mong bigas para madala sa iyong bodega at maidispatsa sa mga palengke. Kaya nga nag-iimport ay para masuplayan ang kakulangan sa bigas. Pero hindi ganito ang nangyayari dahil nga iniipon ang bigas sa mga pantalan.

Sa Manila International Container Port (MICT) at South Harbor, nasa 900 containers na may bigas ang nakatengga. Matagal na raw sa dalawang pantalan ang mga containers. Wala naman daw problema dahil bayad na ang buwis at iba pang bayarin sa Bureau of Customs.

Ayon sa Philippine Port Authority (PPA), kapag hindi kinuha ang kargamento, magbabayad ang importer kung ilang araw nang nakatengga ito sa pantalan. Per day daw ang bayad sa nakatenggang kargamento. Wala rin daw port congestion kaya lubhang nagtataka rin sila kung bakit hindi pa pinu-pullout ng importer ang kanilang kargamento.

Bukod sa Manila Port, marami rin daw nakatenggang bigas sa Subic at Batangas Port. Nagpadala na raw ng letter ang PPA sa rice importers para i-pullout ang shipment.

Kamakalawa, nagbanta si House Speaker Martin Romualdez na ipakukumpiska niya sa Department of Agriculture ang mga nakatenggang bigas sa pantalan. Ayon sa Speaker, bayad na ang mga duties and taxes ng mga bigas pero bakit ayaw pang ilabas. Pag hindi pa raw inilabas ng importers, puwede nang kumpiskahin ng gobyerno ang mga bigas. Maaakusahan ng hoarding ang rice importers. Sabi pa ni Romualdez, huwag na raw hintayin na puntahan nila ang nakatenggang bigas at kumpiskahin at ibenta sa mga mahihirap.

Malaki ang paniwala ko na may maitim na balak ang rice importers. Iho-hoard nila ang bigas. Kapag nagkulang sa mercado ang suplay, saka nila ilababas at mataas na ang presyo. Umayos kayong mga rice importer. Bistado ang style n’yo!

Mas mabuti pa nga sigurong kumpiskahin ng gobyerno ang sandamukal na bigas at saka ibenta nang mura sa mahihirap.

Sa paraang yan ay tiyak na makakatikim ng murang bigas ang mga mahihirap. Ibenta sa halagang P20 per kilo. Tiyak na mauubos agad ang bigas sa mga pantalan!

Show comments