SI Ricardo ay nagtatrabaho sa hari bilang tagapayo. Napakatalino niya pero saksakan naman ng pangit. Sa sobrang galing niya sa pagpapayo, tumatayo na rin siyang kanang kamay ng hari.
Matagal nang naiinggit si Prinsipe Jose kay Ricardo. Mas malapit ang kanyang amang hari kay Ricardo kaysa kanya. Magandang lalaki si Prinsipe Jose at may kayabangan kaya minsan ay ininsulto niya si Ricardo.
“Kung talagang matalino ka, sagutin mo kung bakit mas pinili ng Diyos na punuin niya ng talino ang utak ng isang taong pangit?”
Nag-isip si Ricardo saka sumagot pero malayo sa katanungan ng mapang-insultong prinsipe.
“Saan inilalagay ng iyong Amang Hari ang mga alak niya?”
“Siyempre sa banga!”
“Bakit sa banga lang? Ang mahihirap na magsasaka ay sa banga rin naglalagay ng kanilang alak. Dapat sa kagaya ninyong royal blood, ang alak ninyo ay dapat na inilalagay sa mas eleganteng container na gawa sa ginto o silver. Kapag nalaman ng mga pangkaraniwang tao na sa banga lang inilalagay ang alak dito sa palasyo, aba, baka kayo mapintasan.”
Agad pinuntahan ng prinsipe ang kanilang wine cellar at inutusan ang chief steward na ilipat sa gold or silver container ang lahat ng nakaimbak nilang alak.
Makalipas ang ilang buwan, nagkaroon ng party sa palasyo kaya buong pagmamalaking isinilbi ng hari ang kanyang masarap at mamahaling alak.
Pero nagulat ang mga bisita nang matikman na mapait ang alak na kanilang ininom. Umasim ang alak nang ilipat ito sa gold at silver container. Nalaman ng hari na anak niya ang may kasalanan ng lahat. Sinabon niya ang prinsipe at sinabihan ng:
“Paano pa kita pagtitiwalaang maging tagapagmana ng aking trono, gayung sa simpleng alak lamang ay nagpakatanga ka!”
Matapos masabon ng hari ay galit na galit na hinarap ng prinsipe si Ricardo.
“Paumanhin po Mahal na Prinsipe. Paraan lang iyon para masagot ko ang iyong katanungan kung bakit mas pinili ng Diyos na punuin ng talino ang utak ng isang taong pangit. Kagaya ng alak, mas sasarap lalo ito kung sa isang simpleng banga lang ito iimbak. At pumapait kung sa gold o silver ilalagay. Walang perpekto sa mundong ito. Hindi lahat ng magagandang bagay ay nagdudulot ng magandang resulta. May magagandang lalaki rin na bobo at utu-uto.”