NAPATUNAYAN ng isang homeless man sa Amsterdam na totoo ang kasabihang “honesty is the best policy” dahil nakatanggap siya ng malaking biyaya matapos niyang isauli ang napulot niyang wallet na may laman na 2,000 euros.
Isa’t kalahating taon ng palaboy-laboy ang 33-anyos na si Hadjer Al-Ali sa Amsterdam. Para may pantustos sa kanyang makakain sa pang-araw-araw, namumulot siya ng mga nakakalat na plastic na bote sa isang train station. Dinadala niya ang mga napulot sa isang recycling machine na ang kapalit ay ilang pirasong barya.
Isang araw sa kanyang pamumulot ng bote sa isang nakaparadang tren, may napulot siyang wallet na naglalaman ng 2,000 euros. Ayon kay Hadjer, hindi niya naisip na angkinin ito at mas nangibabaw sa kanya na isauli ito dahil nagbabakasakali siyang matuwa sa kanya ang may-ari nito at bigyan siya nito ng trabaho.
Dinala niya sa police station ang wallet pero dahil wala itong laman na ID o kahit anong pagkakakilanlan, kinailangan pang manawagan sa social media ang Amsterdam police para hanapin ang may-ari nito. Bilang pabuya, binigyan ng mga pulis si Hadjer ng 50 euros na voucher.
Kumalat sa social media ang insidente at maraming naantig at humanga sa katapatan ni Hadjer. Dahil dito, may nagsimula ng online fundraising para sa kanya at nakaipon agad ito ng donasyon mula sa mga netizens na umabot sa halagang 34,000 euros.
Hindi makapaniwala si Hadjer sa malaking pera na kanyang natanggap. Ayon dito, magagamit niya ito na pangrenta ng maliit na apartment. Bukod dito, may mga nag-alok din sa kanya ng trabaho.
Hanggang sa ngayon, hindi pa nahahanap ang may-ari ng wallet. Kapag walang nag-claim nito sa loob ng isang taon, ibibigay na kay Hadjer ang 2,000 euros.