Dear Attorney,
Ako po ay 51 years old na at 20 years na po akong nagtatrabaho sa pribadong kompanya na pinapasukan ko. Puwede na po ba akong mag-avail ng early retirement? —Ernie
Dear Ernie,
Kung ang kompanyang pinapasukan mo ay walang sariling retirement policy at nakabase lamang sa batas ang kanilang ibinibigay na benepisyo sa mga nagreretirong empleyado, hindi ka pa maaring mag-early retirement.
Sa ilalim ng Labor Code at Republic Act No. 7641 maari lamang mag-optional retirement ang isang empleyado kung siya ay 60 taong gulang na at hindi bababa sa limang taon ang kanyang naging paninilbihan sa kanyang kasalukuyang employer.
Posible lamang mag-early retirement ang mga empleyadong katulad mo na wala pang 60 taong gulang kung may sariling retirement policy ang inyong kompanya. Pinapayagan kasi ng batas na magkaroon ng sariling retirement policy ang mga pribadong kompanya, basta’t mas makabubuti sa empleyado ang mga benepisyo nito kumpara sa itinakda ng batas.