EDITORYAL - Balik sa Hunyo-Marso ang school calendar
Tama ang desisyon na unti-unti nang ibalik sa dating school calendar ang klase para sa 2024-2025. Ipinag-utos ito ni President Marcos Jr. noong Huwebes. Dahil sa kautusan, hindi na mananatili sa “oven” na classroom ang mga estudyante dahil magtatapos ang SY 2024-2025 sa Abril 15. Sa SY 2025-2026, balik na sa talagang school calendar na Hunyo-Marso. Hindi na mararanasan ng mga estudyante lalo sa public school ang matinding init na gaya ng naranasan noong nakaraang Abril na maraming estudyante ang nawalan ng malay dahil sa matinding init.
Walang ibang kawawa kundi ang mga estudyante sa pampublikong eskuwelahan kung hindi ipatutupad nang agaran ang lumang school calendar. Wala namang maipagkaloob na mga magagamit na electric fan sa classroom. Halos ilang linggo na sinuspende ang klase noong Abril sa maraming lugar sa bansa dahil sa matinding init na umabot sa 45 degrees ang heat index. Pinakamainit na naitalang heat index ay noong Abril 27 sa Cagayan.
May mga tumutol pa sa agarang pagbabalik sa dating school calendar dahil hindi raw makukumpleto ang 180 school days. Para raw makumpleto ang school days ng estudyante, kailangang pumasok ng Sabado ang mga estudyante. Makukulangan daw ang kaalaman ng mga estudyante kung hindi makukumpleto ang araw ng papasok. Subalit tinutulan ito ng Presidente at kasunod na pinag-utos na magbubukas ang klase ng Hulyo 29, 2024 at magtatapos ng Abril 15, 2025. Hindi na raw kailangan na pumasok ng Sabado.
Ang pag-apruba sa pagbubukas ng klase ay inihayag ni Marcos sa sectoral meeting kasama si Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte. Sabi ng Presidente, ito na raw ang simula ng dahan-dahang pagbalik sa dating school year calendar.
Hindi na magdaranas ng grabeng init ang mga estudyante sa pagbabalik ng dating school calendar. Mapapanatag na ang kalooban ng mga magulang sapagkat sa buong buwan ng Abril at Mayo ay mananatili ang kanilang mga anak sa bahay. Hindi na matitigatig na magkakasakit ang mga anak dahil sa matinding init.
Sa pagbabago o pagbalik ng school calendar, nararapat din namang magkaroon ng pagbabago sa sistema ng pagtuturo. Kapansin-pansin ang kahinaan ng mga estudyante sa Math, Science at Reading Comprehension. May mga bata sa Grade 2 ang hindi pa marunong sumulat, bumasa at kumuwenta.
Isabay sa pagbabago ng school calendar ang bago at epektibong sistema ng pagtuturo upang makasabay ang mga bata sa paglinang ng kaalaman. Hindi dapat mapag-iwanan ang mga kabataang estudyante.
- Latest