Binigyan ako ng instruction ni Lola Felisa kung ano ang gagawin ko sa isang dakot na asin na baon ko.
“Pagdaan mo sa sapa, kumuha ka ng isang kurot na asin at isabog mo sa tubig. Pagdaan mo sa kawayanan, kumuha ka uli ng isang kurot na asin at isabog mo sa may puno ng kawayan. Pagsapit mo sa palayan, kumuha ka uli ng isang kurot at isabog mo sa lupa. At panghuli, pagsapit mo sa pintuan ng inyong classroom, kumuha ka uli ng isang kurot na asin at isabog mo. Natatandaan mo ang sinabi ko, Manuel.”
“Opo Lola.’’
“’Yung sinabog mong asin sa sapa ay para sa mga nuno para hindi ka gambalain sa pagtawid. Yung para sa kawayanan ay para sa lamanlupa na naninirahan dun, Yung sa palayan ay para naman sa mga gumagala na tikbalang. At yung sa pintuan ng classroom ninyo ay para sa mga pilyo mong kaklaseng lalaki.’’
Tumango ako sa mga sinabi ni Lola.
Ginawa ko ang mga sinabi ni Lola na pagsasabog ng asin maliban sa pinto ng aming room. Nasa may pintuan kasi ang crush kong si Daniela at nahihiya akong dumukot ng asin sa aking bag.
Nginitian ako ni Daniela nang pumasok ako.
Deretso ako sa aking upuan pero nakaabang pala ang pilyo kong kaklase na si Larry at iniharang ang paa kaya napatid ako at natapon ang asin sa bag ko.
(Itutuloy bukas)