May bayad ba kapag inilagay sa floating status?
Dear Attorney,
Kapag na float po ba ang isang employee dahil sa nag-pullout na ang account pero may 30 days notice naman po ang employer before the effective date of floating status talaga bang hindi na bayad ang empleyado while on the floating status? Maari bang kuwestiyunin ang paglalagay sa amin sa floating status?—Rachel
Dear Rachel,
Wala talagang bayad para sa isang empleyado na inilagay sa floating status. Walang maasahan na sahod ang isang empleyado na isinailalim sa floating status puwera na lamang kung may dati nang company policy o practice kung saan nagbibigay ng sahod o allowance ang employer sa mga empleyadong naka-floating.
Pero kung wala namang ganoong policy o practice ang employer ay wala talagang karapatan ang empleyado sa anumang sahod dahil sa “no work, no pay” policy.
May karapatan ka namang kuwestiyunin ang paglalagay sa iyo sa floating status kung sa tingin mo ay hindi ito nararapat ngunit gusto ko lang ipaalam na ang paglalagay sa empleyado sa floating status ay itinuturing na isang “management prerogative” kung saan binibigyan ng batas ang employer ng sapat na kalayaan para magdesisyon sa ikakabuti ng kapakanan ng negosyo.
Ibig sabihin, maari lamang makuwestiyon ang desisyon ng employer ukol sa paglalagay sa floating status kung malinaw na may pag-abuso sa management prerogative na ito at may naging paglabag sa karapatan ng empleyado.
- Latest