^

Punto Mo

Ipamuhay ang diwa ng EDSA

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

GUGUNITAIN sa Linggo (Pebrero 25) ang pagtatapos ng diktadurya at pagtatagumpay ng apat-na-araw na EDSA People’s Power Revolution na nagsimula noong Pebrero 22, 1986. Sa kasawiang-palad, wala nang gagawing opisyal na pagdiriwang, sapagkat hindi isinama ni Presidente BBM sa listahan ng pista opisyal ang paggunita sa makasaysayang mapayapang rebolusyon. Mabuti pa ang Chinese New Year, dinideklarang pista opisyal taun-taon.

Ganyan kalupit ang pagbaliktad ng kasaysayan. Si dating Presidente Ferdinand Marcos ay napatalsik sa tungkulin noong 1986, matapos ang dalawang dekada ng pamumuno, 14 na taon ay sa ilalim ng batas militar. Noong 2022, pagkaraan lamang ng 36 taon, ang kanyang Junior ay nahalal na Presidente ng Pilipinas. Pagkatapos na pagkatapos ng EDSA revolution, binalangkas ng Constitutional Convention ang bagong Konstitusyon ng Pilipinas na pinagtibay sa isang plebisito noong Pebrero 1987. Ngayon, may mga planong baguhin ang kasalukuyang Konstitusyon sa pamamagitan ng People’s Initiative.

Bagamat malungkot na sa kasalukuyang rehimen ay hindi na ipinagdiriwang ang EDSA People’s Power Revolution bilang pista opisyal, na para bang hindi ito naging bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, ang mas mahalaga ay ang pananatiling buhay sa puso’t isip ng mga Pilipino ang diwa ng EDSA.

Ano ba ang mahalagang diwa ng EDSA na dapat nating inaalala, pista opisyal man o hindi, at patuloy na ipinamumuhay bilang mga Pilipinong nagmamahal sa Pilipinas.

Una, ang kapangyarihan ng panalangin. May mga nagsasabi na mas tamang tawagin ang EDSA Revolution bilang Prayer Revolution. Ang milyun-milyong taong dumagsa sa EDSA ay walang dalang anumang sandata, maliban sa panalangin. Ang mga armadung-armadong sundalo at pulis ay hinarap ng mga mamamayan na ang tanging sandata’y mga nakaluhod na tuhod sa panalangin. Walang imposible sa panalangin!

Ikalawa, ang kapangyarihan ng pag-ibig. Tanging ang pag-ibig lamang ang maaaring tumalo sa poot at karahasan. Sa halip na sigawan at murahin, hinarana ng mga mamamayan ang mga sundalo at pulis, inabutan ng bulaklak, inalok ng pagkain at inumin, kinamayan at pinalakpakan. Sa harap ng pag-ibig ay tumutupi ang karahasan, kaya’t walang isa mang buhay ang nasawi.Walang anumang kapangyarihan ang maaaring tumalo sa pag-ibig.

Ikatlo, ang kapangyarihan ng pagkakaisa. Ang dating hiwa-hiwalay na Pilipino’y nagkaisa.  Sa sandaling iyon ay walang mayaman at mahirap; walang marunong at mangmang. Bawat isa’y naging Pilipinong nagmamahal sa kalayaan, katotohanan at katarungan. Kilala man o hindi ay nginitian, kinamayan, niyakap. Nabuhay ang sinanunang damayan at balikatan. Bumalik ang dating pagmamalaki sa sarili bilang tunay na Pilipino. Walang hindi maaaring maisatuparan ng mga taong nagkakaisa!

Ikaapat, ang kapangyarihan ng pakikisangkot. Ang mga dating nasa loob lamang ng mga tahanan at walang pakialam sa nangyayari ay naglabasan, lumantad, nagpakita ng malasakit sa kinabukasan ng Pilipinas, sa kabila ng hinarap na panganib. Natuklasan ng bawat isa na ang tunay na kapangyarihan ay wala sa bunganga ng tangke, kundi nasa kanilang mga kamay. Walang hindi makakaya kapag ang lahat ay nakikisangkot!

Hindi man pista opisyal ang EDSA People Power Revolution ngayon, ngunit kung mananatili ang diwa ng pananalangin, pag-ibig, pagkakaisa, at pakikisangkot, hindi mabubura ang alaala ng mapayapang rebolusyon, hindi mawawalan ng silbi ang makasaysayang himagsikan; sa halip, ito’y mananatiling inspirasyong huhubog sa susunod pang henerasyon.

vuukle comment

EDSA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with