EDITORYAL - Lubos na hustisya, ipagkaloob sa pinaslang na mamamahayag
NAHATULAN na ang pumatay sa broadcaster na si Percy Lapid. Subalit hindi pa lubos ang hustisya. Nananatiling nasa laya pa ang “utak” ng krimen. Hindi pa rin ganap ang katarungan para kay Lapid na pinatay noong Okt. 3, 2022 sa Las Piñas City.
Labing-anim na taong pagkakabilanggo ang inihatol ng korte kay self-confessed gunman Joel Escorial na binayaran ng P550,000 para isagawa ang krimen. Nakunan ng CCTV ang pagpatay kay Lapid na noon ay papasok sa kanyang radio program. Agad nahuli si Escorial. Idinawit ni Escorial si dating Bureau of Corrections (Bucor) chief Gerald Bantag at deputy nito na si Ricardo Zulueta.
Ayon kay Escorial, si Bantag ang “utak” ng pagpatay kay Lapid. Sinampahan sina Bantag at Zulueta ng murder. Patuloy na nagtago si Bantag samantalang namatay si Zulueta noong Marso dahil sa atake sa puso sa isang ospital sa Bataan. Ilan pang bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) ang kinasuhan dahil sa pakikipagsabwatan sa pagpatay sa broadcaster.
Noong Agosto 2023, hiniling ni Escorial sa korte na payagan siyang pumasok sa plea bargaining sa mas mababang pagkakasala ng homicide sa halip na murder. Nananatili si Escorial sa detention facility ng Philippine National Police Custodial Center habang hinihintay ang conclusion ng trial ng bilanggong si Christopher Bacoto na kasabwat din sa pagpatay kay Lapid.
Sa pagkakahatol kay Escorial, hindi pa ganap ang nadaramang kasiyahan ng pamilya Mabasa. Hindi pa nila lubusang nakakamit ang hustisya sapagkat ang “utak” ng krimen ay hindi pa nadarakip. Ayon sa mamamahayag na si Roy Mabasa, kapatid ng pinaslang na broadcaster, patuloy silang maghahanap ng hustisya. Hindi umano sila titigil hangga’t hindi naipakukulong ang mastermind.
Noong nakaraang buwan, nakalusot sa National Bureau of Investigation (NBI) si Bantag nang salakayin ang tinutuluyan nitong bahay sa Baguio City. Una nang sinabi ni Bantag na hindi siya susuko sa mga awtoridad.
Malabo pang makamtan ng pamilya Mabasa ang lubos na hustisya. Hindi pa malaman kung kailan magkakaroon ng ganap na katarungan sa pagpatay. Mabagal ang galamay ng batas para madakip ang “utak” ng krimen. Nakapagtataka kung paano nalulusutan ng akusado ang mga alagad ng batas. Maaring may kumukupkop sa dating Bucor chief kaya nalulusutan ang batas.
Kung ang pagpatay kay Lapid ay mabagal ang pag-usad, ano pa ang aasahan sa iba pang pinatay na mamamahayag. Maraming kaanak ng mga pinaslang na journalists ang uhaw sa hustisya at patuloy na naghihintay kung kailan ito magkakaroon ng katuparan.
- Latest