Sobrang taas na interest sa utang, pinapayagan ba?
Dear Attorney,
Pinapayagan po ba ng batas ang napakalaking interest sa utang? — Jenny
Dear Jenny,
Wala namang batas ngayon na naglalagay ng limitasyon sa maaring ipataw na interest sa utang. Ang tanging kailangan lang upang makapagpataw ng interest ay ang pagkakaroon ng malinaw na kasunduan para sa pagpapataw nito at kailangan na nakasulat ang nasabing kasunduan.
Gayunpaman, hindi naman ibig sabihin na sa lahat ng sitwasyon ay pinapayagan ng batas ang matataas na interest. Hindi lang minsan naglabas ng desisyon ang ating Korte Suprema na hindi pabor sa pagpapataw ng napakataas na interest. Sa isang kaso (Manila Credit Corporation v. Viroomal, G.R. No. 258526, January 11, 2023) ay ipinawalang-bisa ng Korte ang interest na umabot sa 42 percent per annum.
Ayon sa Korte Suprema, kahit pa malaya ang mga partido na magkasundo ukol sa pagpapataw ng interest, maari pa ring ipagpalagay na walang-bisa ang kasunduan ukol dito kung ang interest ay mapatunayang “unconscionable” o sobra na at hindi na patas.
Mahalaga lang maunawaan ng lahat na kahit pa sakaling ipawalambisa ng korte ang kasunduan ukol sa interest, tandaan na hindi ibig sabihin nito ay wala nang pananagutan ang may utang.
Kahit pa wala nang interes ay nananatili pa rin ang obligasyon ng umutang na ibalik ang halagang kanyang hiniram kaya’t anuman ang mangyari, kailangang bayaran pa rin ang utang.
- Latest