Maid of Honor (3)

“HINDI kaya tayo magkaproblema kapag may maid na tayo?’’ tanong ni Honorio sa asawang si Bianca. “First time tayong magkakaroon ng maid. Mula nang ikasal tayo, nasanay na tayong walang katulong.’’

“Hindi naman siguro. Kapag nakapanganak na ako e di huwag na na­ting kunin uli para hindi tayo namumroblema. Pero ngayon na nahihirapan ako e kailangan talaga natin ang katulong.’’

“Sige ikaw ang bahala.’’

“Ako rin e ayaw na may ibang kasama rito. Nakakailang.’’

“Pero paano kung may baby na tayo? Di ba lalong kailangan natin ang maid? Sino ang mag-aalaga?’’
Nag-isip si Bianca.

“Oo nga ano? Kanino natin iiwan ang baby?’’

“E di tumigil ka na sa pagtatrabaho—kaya naman kitang buhayin.’’

“Parang mahirap na wala akong trabaho, Honor. Nasanay ako na araw-araw ay nag-oopisina.’’

“Pag-isipan natin.’’

“Oo saka na natin problemahin. Kapag nakapanganak na ako saka tayo magpasya. Ang panganganak ko muna.’’

“Pero sana mahusay ang nakuha mong maid.’’

“Okey naman siguro.’’

MAKALIPAS ang isang linggo, dumating na ang maid nina Bianca at Honorio.

Hindi makapaniwala si Honorio.

(Itutuloy)

Show comments