Dear Attorney,
Kailangan bang sabihan in advance ang isang probationary employee na hindi siya magiging regular sa trabaho? O sa mismong araw na lang po ng kanyang ika-6th month ipaaalam sa kanya kung regular siya o hindi? —Karen
Dear Karen,
Sa ilalim ng Article 296 ng Labor Code, anim na buwan (kung walang ibang napagkasunduan ang employer at empleyado) ang dapat itagal ng probationary period ng isang bagong empleyado. Kapag lumipas na ang probationary period at hinahayaan pa rin ang empleyado na magtrabaho, ipagpapalagay na siyang isang regular na employee ng batas kahit pa hindi ito sabihin ng employer.
Kung sa tingin ng employer ay hindi nakapasa sa standards ang empleyado ay mainam na ipaalam ito sa huli sa pamamagitan ng isang written notice bago matapos ang kanyang probationary period.
Mas maganda rin kung maibibigay ito ng may rasonableng panahon bago mapaso ang nasabing period upang makapaghanda ang probationary employee para sa kanyang napipintong termination.
Kailangang gawin ito dahil kung wala namang sinasabi sa probationary employee ang kanyang employer ukol sa kanyang employment status hanggang sa matapos ang kanyang probationary period at hinayaan lamang siyang magtuloy-tuloy sa pagpasok sa trabaho, maituturing na siyang isang ganap na regular employee sa ilalim ng batas.
Dahil siya ay na-regularize na, siya ay maari lamang tanggalin sa trabaho base sa mga dahilang nakasaad sa Labor Code na patungkol sa mga regular employees.