Dear Attorney,
Legal po ba na hindi magbigay ng 13th month pay ang employer dahil hindi raw masyadong kumita ngayong taon ang kompanya? —Manuel
Dear Manuel,
Hindi sapat na dahilan na hindi masyadong kumita ang negosyo para hindi magbigay ng 13th month pay sa mga empleyado.
Nakasaad sa “Rules Implementing the 13th Month Pay Law” na maaring ma-exempt sa pagbabayad ng 13th month pay ang mga tinatawag na “distressed employers” o iyong mga employer na nakakaranas ng matinding pagkalugi sa negosyo.
Gayunman, kakailanganin pa rin ng isang naluluging employer ng prior authorization o paunang permiso mula sa Secretary of Labor upang siya ay tuluyang makaiwas sa pagbabayad ng 13th month pay sa kanyang mga empleyado.
Ayon sa iyo ay hindi naman pagkalugi sa negosyo ang idinadaing ng tinutukoy mong employer kundi kakulangan lamang sa kinita ngayong taon. Katulad ng nabanggit ay hindi ito sapat na dahilan upang sila ay magbalak na hindi magbayad ng 13th month pay.
Kung ipipilit man nila ang kanilang sinasabing dahilan upang makaiwas sila sa kanilang obligasyon bilang employer ay maari silang ireklamo sa mga kinauukulan kung pagkalipas ng darating na Disyembre 24 ay hindi pa rin sila nakakapagbayad ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.