Makakasuhan ba ng BP 22?

Dear Attorney,

Pasok pa rin po ba sa kasong BP 22 kung ang account na pagkukunan ng pondo ay closed na at hindi naman pag-aari nung nag-isyu ng tseke? Dahilan po kasi nung nag-isyu ng tseke ay hindi naman daw sa kanya ang account at in-accommodate lang daw niya ang kanyang kaibigan na siyang umutang sa akin. Sa kaibigan daw niya ang bank account at wala siyang control dito kaya hindi raw siya ang may kasalanan kung bakit tumalbog ang tseke. Tama po ba siya?

—Karina

Dear Karina,

Ang pangunahing intensiyon kung bakit ipinasa ang Batas Pambansa Bilang 22 (BP 22) o ang Anti-Bouncing Checks Law ay upang mapigilan ang pag-iisyu at ang pagkalat ng mga tumalbog na tseke.

Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Ruiz v. People (G.R. No. 160893, 18 November 2005), mawawalan ng silbi ang nasabing batas kung papayagan ang mga nag-iisyu ng talbog na tseke na magdahilan na hindi naman sa kanila ang tseke o ang account na siyang pagkukunan ng pondo nito.

Dagdag pa ng Korte Suprema na covered o saklaw ng BP 22 ang anumang tsekeng tumalbog. Ibig sabihin, hindi na mahalaga kung sino ang nagmamay-ari ng tseke at ng bank account na pagkukunan ng pondo nito. Ang mahalaga sa ilalim ng BP 22 ay ang akto ng pag-iisyu ng tumalbog na tseke na layong mapigilan at maparusahan ng batas.

Kaya hindi maaring sabihin ng nag-isyu ng tumalbog na tseke sa iyo na wala siyang kasalanan. Sapat na ang pagtalbog ng tsekeng kanyang inisyu upang siya ay makasuhan ng BP 22 at kung may sapat na ebidensiya para sa iba pang elemento ng nasabing krimen, ang maparusahan sa ilalim nito.

Show comments