MAG-IIMBESTIGA ang House of Representatives sa nangyaring sunog sa Manila Central Post Office noong Linggo. Inabot ng 30 oras bago ganap na naapula ang apoy. Maraming nanghinayang sa pagkakasunog ng 95-anyos na gusali at nilikha ng mga sikat na arkitektong Tomas Mapua at Juan Arellano. Napinsala na ito noong World War II nang tamaan ng bomba. Muling isinaayos at naibalik sa dating anyo. Ngayong grabe ang pagkasunog ng gusali, maraming humihiling na maibalik ang dating itsura nito. Nakapanghihinayang umano kung hindi maibabalik ang dating central post office.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang report kung ano ang pinagmulan ng sunog. Ang sabi ng mga bumbero, sa basement nagsimula ang apoy at mabilis na kumalat. Wala raw water sprinklers at air ventilation ang gusali. Sa pagtaya ng mga awtoridad, nasa P300 milyon ang halaga ng nasunog. Karamihan sa mga nasunog ay mga mahahalagang dokumento, paintings, sulat, selyo, at national IDs.
Kapabayaan ang nakikitang dahilan kaya nasunog ang central post office. Hindi ito pinag-ingatan at mapreserba. Hindi na pinag-aksayaang lagyan ng sprinkler at air ventilation para may proteksiyon sa sunog. Wala rin umanong fire alarm at iba pang gamit para sa emergency.
Noon pa man, kapansin-pansin na pinababayaan na talaga ang post office. Ang likuran ay maraming basura, maputik at may mga pulubing nakatira sa gilid. Lagi ring bumabaha sa likod na ang tubig ay halos pumasok na sa basement ng gusali.
Sa harapan ng post office ay makikita ang mga nakaparadang pampasaherong bus at UV Express. Nagiging tambayan na rin ng ilang tao at may mga vendor na naglisaw. May mga basurang nagkalat at iba pa na hindi magandang tingnan.
Napabayaan at hindi naingatan ang isa sa mga mahahalagang gusali ng bansa. Kung may pagmamahal ang mga namumuno sa gusali, dapat pinagsikapan nilang lagyan ng proteksiyon para makaiwas sa sunog. Hinayaang pasukin ng tubig at alikabok ang basement. Walang ginawang paraan para mapreserba ang gusali na nagpapaalala ng nakaraan. Sa halip na alagaan ay pinabayaan hanggang tupukin na ng apoy.
Sana sikaping maitayong muli at maibalik ang dating anyo ng Manila Central Post Office.