Maari bang sampahan ng kaso ang nagdemanda?
Dear Attorney,
Plano ko pong sampahan ng kasong estafa ang nanloko sa akin. Tanong ko lang po kung maari ba akong sampahan ng suspect sakaling hindi ako manalo sa kasong isasampa laban sa kanya? — Michael
Dear Michael,
Puwera na lang kung wala talagang basehan ang iyong reklamo at isinampa mo lang ito dahil sa pagkakaroon mo ng masamang motibo, hindi ka dapat mangamba sa pagsasampa ng kaso lalo na kung sa tingin mo ay naagrabyado ka.
Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Auyong Hian v. Court of Tax Appeals (G.R. No. L-28782, 12 September 1974), isang karapatan ang pagsasampa ng reklamo at walang maaring maperwisyo mula sa paggamit ng mga karapatang ipinagkaloob sa atin ng batas.
Ngunit katulad ng nauna kong nabanggit, kailangang mayroong basehan ang iyong isinampang kaso. May krimen kasing kung tawagin ay malicious prosecution at maaring mademanda ang siyang nagsampa ng kaso kung may (1) malisya o masamang motibo sa likod ng pagsasampa ng kaso at (2) wala ang tinatawag na probable cause o basehan para sabihing may naganap na krimen at ang sinampahan ng kaso ang siyang may gawa nito.
Kaya wala ka dapat ikatakot kung may ebidensya ka namang nakahandang ipresenta para sa reklamong isasampa mo at ang iyong pagdedemanda ay para lamang ipaglaban ang iyong mga karapatan na nilabag ng sinasabi mong nanloko sa iyo.
- Latest