Mula sa itaas ng puno natanaw ng Inang Ibon ang isang ahas na gumagapang paitaas sa kinaroroonan ng pugad. Naroon ang mga itlog na ilang araw na niyang nililimliman. Mukhang naamoy ng ahas ang mga itlog.
Pinuntahan ni Inang Ibon si Unggoy upang humingi ng tulong. “Sige, babatuhin ko ang ahas hanggang sa siya ay mahulog.”
Tumutol si Inang Ibon. “E, paano kung mabato mo rin ang mga itlog ko?”
Naisip ng Inang Ibon si Elepante. “Kaibigang Elepante, tulungan mo akong iligtas ang aking mga itlog laban sa ahas na unti-unti nang umaakyat sa punong kinalalagyan ng aking pugad.”
“Madali lang ‘yan. Yuyugyugin ko ang puno hanggang sa mahulog ang ahas”
“Naku e di makakalog ang mga itlog ko. Baka maudlot ang paglaki nila at tuluyan na silang mamatay.”
Litung-lito ang Inang Ibon. Nag-iisip siya kung sino pa ang hihingan ng tulong. Nilapitan siya ng langgam. “Gusto mo, tulungan ka namin?”
“Ang liliit n’yo, ano namang magagawa ninyo?”
“Aba, huwag mong maliitin ang aming kakayahan. Manood ka lang kung paano ko ililigtas ang mga itlog mo.”
Isang langgam lang ang pinasahan ng mensahe ngunit para itong apoy na kumalat sa milyon nitong mga kasamahan. Walang inaksayang oras ang mga langgam. Gumapang sila sa katawan ng ahas at pinagkakagat ito. Umaaringking sa sakit ang ahas hanggang sa mahulog ito mula sa puno.
Wala pang isang oras at pulos buto na lang ng ahas ang natira. Pinagpistahan siya ng mga gutom na langgam.
“Salamat sa inyo! Sorry sa pangmamaliit ko sa inyo,” ang maluha-luhang sabi ni Inang Ibon.
“Great things are done by a series of small things brought together” Vincent Van Gogh