Kinatawan ng tao sa Buwan?
Apat silang astronaut na ang tatlo ay Amerkano at ang isa ay Canadian. Sila ay sina Cristina Koch, Victor Glover, Reid Wiseman at Jeremy Hansen. Mga beteranong piloto ang tatlong lalake bagaman dalawa sa mga ito ay meron nang karanasan sa paglipad sa kalawakan.
Silang apat ang ipinakilala nitong nagdaang linggo ng National Aeronautics and Space Administration ng United States bilang mga astronaut na magtutungo sa Buwan sa susunod na taon. Ito ang pangalawang yugto ng tinatawag na Artemis mission na naglalayong magtayo ng permanenteng base ng tao sa buwan sa unang pagkakataon o pagkaraan ng mahigit 50 taon mula nang huling dayuhin ito ng mga astronaut noong 1972.
Bagaman pinangungunahan ng NASA ang mission, kabalikat nila sa Artemis ang European Space Agency, Canadian Space Agency at Japan Aerospace Exploration Agency, mga pribadong kumpanyang nasa negosyo ng space exploration, at iba pang mga bansa tulad ng Australia, United Kingdom, Brazil, South Korea, at United Arab Emirates, Italy, France, Saudi Arabia, Israel, Romania at Singapore.
Noong 2022 ay inilunsad ang Artemis I na matagumpay na nasubukang magpalipad ng robotic spacecraft na walang lulan na tao sa paligid ng Buwan na siyang naging basihan para ilunsad ang Artemis II na ang spaceship ay sasakyan naman ng nabanggit na apat na astronaut. Gayunman, lilibutin lang nila muna ang Buwan at magsasagawa ng kaukulang pag-aaral dito bago babalik sa Daigdig. Sa Artemis III ay tuluyan nang lalapagan ng mga astronaut ang kalupaan ng Buwan bago ang pagtatayo doon ng permanenteng space station at base ng tao doon.
Batay sa pahayag ng NASA, sinikap nilang maging magkakaiba ang mga astronaut na papupuntahin sa Buwan. Si Koch na meron nang karanasan sa space exploration ang unang babaeng magtutungo sa Buwan habang si Glover na isang African American ang unang itim na astronaut na sasama sa moon mission. Puro kasi puti at mga lalake ang mga naunang astronaut na nagtungo sa Buwan. Dadaan ng mahabang pagsasanay ang apat na nabanggit na astronaut bago sila bumiyahe patungo sa Buwan.
Tila nga may kaibahan ngayon kumpara noong dekada ‘60 at ‘70. Meron nang itim at puti at pareho nang may babae at lalake. Maraming puwedeng kuwestiyon dito tulad ng kung sapat na ba sila bilang kinatawan ng tao sa Buwan? Puwedeng sabihing simula pa lang naman ito. Marami pang puwedeng mangyari sa mga susunod na panahon. Magkakaiba ang lahi ng mga tao sa mundo. Hindi lang sila sa kulay nagkakaiba. Nariyan halimbawa ang sa pinagmulang bansa, kultura, paniniwala, pulitika, kahalagahan, pamumuhay, relihiyon, at iba pa.
Palibhasa kasi, nangunguna ang U.S. sa larangan ng astronomiya kaya tila hindi maiwasang siya ang nangingibabaw na hindi naman kinokontra o hinaharang ng ibang mga bansa sa mundo lalo na sa naturang Artemis mission. Pero unti-unti niyang nagiging kakompetensiya rito ang China na may mga sarili na ring mga space mission sa kalawakan tulad sa Buwan at planetang Mars. Humihiwalay din ang Russia sa U.S. sa mga ganitong misyon.
Sa Artemis III, makakasama na ang unang babaeng tatapak sa Buwan. Gayundin ang tao na itim ang balat. Panahon na rin marahil ang magsasabi kung kailan naman makakapunta sa Buwan ang iba pang lahi ng tao tulad ng dilaw ang balat (Intsik halimbawa) o kayumanggi (tulad ng Pilipino). Nagkaroon na rin naman ng mga astronaut na nagmula sa iba’t-ibang lahi (hindi lang Kano) na nagawang makalipad sa orbit ng mundo o makapasok sa International Space Station.
Nariyan halimbawa ang mga Ruso, Intsik, Arabo, Italyano, Canadian, Hapones, African, Aleman, Pranses, Australian, British, Brazilian, Dutch, Spanish, Indians, European at iba pa. Pero ang mga susunod na tatapak sa Buwan? Abangan!
• • •
Email: [email protected]
- Latest