ISANG kilalang sastre sa Japan ang nag-viral sa social media matapos niyang akyatin ang pinakamataas na bundok sa Malaysia, ang Mount Kinabalu habang suot ang tinahi niyang Amerikana!
Upang i-promote ni Nobutaka Sada ang kanyang tailoring shop na gumagawa ng made to order na mga tuxedo, three piece suits at Amerikana, inakyat niya ang highest peak ng Mount Kinabalu na may taas na 13,435 feet.
Hindi ito ang unang beses na gumawa ng ingay sa social media si Sada para ipakita sa mga netizens kung gaano kataas ang kalidad ng mga Amerikana na ginagawa sa kanyang shop. Suot ang kanyang produkto, inakyat na niya dati ang mga bundok sa Japan tulad ng Mount Fuji at Mount Shirouma.
Nakatakbo na rin siya sa Tokyo marathon, nag-skiing sa nagyeyelong mountain slopes sa Hokkaido at nakapag snorkeling na siya sa Genkai sea.
Ipinagmamalaki ni Sada na kahit gaano ka-extreme ang mga ginagawa niyang adventure, hindi nasisira ang isinusuot niyang Amerikana.