SA sarili nating wika, kakatwa na parehong buwan ang salin natin sa mga salitang Ingles na “moon” at “month”. Ang “month” ay patungkol sa unit ng panahon sa kalendaryo na naghahati ng 12 bahagi sa isang taon habang ang “moon” ay ang satellite ng Daigdig na nakikita natin sa kalangitan gabi-gabi. Magkakaugnay ang “month” at “moon” dahil ang haba ng una ay ibinabase sa galaw o kilos ng huli. At nakasanayan na nating tawaging parehong “buwan” ang “moon” at “month” sa hindi malamang kadahilanan. Ganito rin ang kaso ng “Sun” at “day” na tinatawag natin pareho na “araw” sa wikang Filipino.
Naungkat ito dahil sa napipintong pagbalik ng tao sa Buwan pagkaraan ng 50 taon mula nang huling tumuntong sa kalupaan nito noong 1972. At hindi lang siya basta babalik lang doon, mamamasyal, mag-uusyoso, magpapalitrato o mangongolekta ng mga bato o ibang bagay kundi permanente na siyang titira sa Buwan. Naging matagumpay kasi ang Artemis I na unang serye ng misyon sa Buwan ng National Aeronautics and Space Administration ng United States katuwang ang ibang mga bansa tulad ng United Kingdom, Europe, Canada at Japan noong Nobyembre.
Sa Artemis I, nagawa ng Orion Spacecraft nito na magtungo at pumalibot sa buwan bagaman wala itong lulan na tao. Sa susunod na taon 2023 ang Artemis II ay meron nang mga sakay na astronaut ang Orion spacecraft na iikot at magsasagawa ng pag-aaral sa buwan. Pagkaraan nito ay ang Artemis III na ang mga astronaut ay lalapag na at magtatayo ng base ng tao sa buwan bagaman may itatayong space station sa orbit nito.
Sa isang ulat ng BBC, sinabi ng program manager ng NASA para sa Orion spacecraft ng Artemis 1 na si Howard Hu, bagaman simula pa lang ito ng mahabang misyon, plano ng ahensiya na magkaroon na ng mga tao na maninirahan sa Buwan sa lalong madaling panahon. Sa loob anya ng dekadang ito, may mga tao nang titira sa Buwan, magkakaroon sila ng mga tahanan doon at mga rovers at magtatayo ng mga imprastruktura roon. Pero higit sa pagtira roon ng tao, hinggil ito sa siyensiya.
Idiniin pa ni Hu na pangunahing dahilan ng inisyatibang ito ay para makita kung meron talagang tubig sa south pole ng Buwan na maaaring gawing potensiyal na fuel para sa mga spacecraft na bibiyahe sa pusod ng kalawakan kabilang na ang mga pananaliksik at misyon patungo sa Mars.
Tulad ng nabanggit sa una, hindi naman nagsosolo sa misyong ito ang U.S.. Hanggang noong Hulyo 2022, umaabot na sa 21 bansa ang lumagda sa kasunduan para sa Artmis program. Kasama rito ang mga space agencies at private spaceflight companies. Nakiisa rin dito ang emerging space powers na Brazil, South Korea at United Arab Emirates.
Hindi nga lang malinaw ang magiging lugar dito ng China na merong sariling space mission at nagpadala rin ng mga robotic spacecraft sa Buwan. Tumanggi rin ang Russia na sumama sa Artemis program na ayon sa isang opisyal na Ruso ay “too Americanized.” Napabalitang plano na rin ng China na magpadala ng sarili nitong mga astronaut sa buwan. Bagaman merong tinatawag na outer space treaty na pinagkasunduan nang maraming bansa na walang sino man o bansa ang maaaring umangkin sa alinmang bagay sa kalawakan tulad ng buwan, ang hinaharap na lang ang makapagsasabi kung masusunod ito.
Email: rmb2012x@gmail.com