NOONG kasagsagan ng pandemya, maraming mga transaksyon sa pamahalaan ang isinagawa na lang online.
At dahil dito, isa sa mga pangunahing naapektuhan eh yung mga nagpi-fixer sa iba’t ibang tanggapan.
Isa na nga dyan ang mga ‘fixer’ sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO).
Isa ito sa mga tanggapan na talagang gustung-gustong tambayan ng mga fixer noon pa mang wala pa ang pandemya.
Kabi-kabila ang serbisyong inaalok ng mga fixer, bukod sa mapapadali ang kanilang pakikipagtransaksyon mula sa pagkuha ng lisensya, pagpaparehistro ng mga sasakyan, pagre-renew at iba pa, hindi mauubusan ng offer ang mga ito.
Yung iba kumakagat, kapalit ng halagang hinihingi ng mga ito.
Bagama’t masasabing may mga natulungan dahil nga karamihan siyempre sa gumagawa nito, may kontak o kakuntsaba sa loob kaya nadadali ang proseso ng kanilang inalok sa kliyente.
Pero ang masaklap, meron din naman na matapos magbayad ang client, hanggang doon na lang. Goodbye na sa mga aayusing papeles at mga dokumento.
Sa kasalukuyan, bagama’t pinapalakas pa ng LTO ang transaksyon nito sa pamamagitan ng online, kasabay nito ay mahigpit din nilang pinapalakas ang kanilang paglaban sa namamayagpag pa ring mga ‘fixer’ online.
Isa sa paboritong gamitin ng mga ‘online fixer’ ang umano’y online na pagsusulit sa mga magpapa-renew ng kanilang driver’s license.
Dito nag-aalok ang mga fixers na sila na ang gagawa ng exam sa mga magpapa-renew ng lisensya para makakuha ng pasadong grado na isa sa requirements sa pagre-renew, kapalit ng hinihinging halaga.
Isang technical working group (TWG) na ang binuo upang makagawa ng hakbang na magsasawata sa mga fixer.
Dapat marahil matiyak na ang mismong aplikante ang humaharap at sumasailalim sa mga pagsusulit ng tanggapan at hindi ang fixer.
Face -to face transactions man o mapa-online, talaga nga namang hindi nagpapahuli ang mga kawatan.
Isang dahilan rito, marami pa rin ang kumakagat na nakikipagsapalaran at mas gusto ang transaksyon nang ‘bulungan’ kaya marami ang nadedenggoy at nabubudol.