MULING nagbabalik ang Palanca Memorial Awards for Literature ngayong 2022 pagkaraan ng dalawang taong pagkansela ng literary contest nito dahil sa pandemya. Muli itong tumatanggap ng mga lahok para sa 70th Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (CPMA).
Pero, sa pagkakataong ito, binago ng CPMA ang sistema ng pagsusumite o pagtanggap ng mga lahok sa lahat ng kategorya. Kailangang isumite nang naka-PDF ang mga entries at ibang mga kailangang dokumento sa website ng CPMA. Hindi ito tatanggap ng printed copies ng mga lahok o yaong ipinadala sa pamamagitan ng email. Itinakda sa Mayo 31, 2022 ang huling araw ng pagsusumite ng mga entries. Ang mga opisyal na contest rules at forms ay makukuha sa Carlos Palanca Awards website na http://www.palancaawards.com.ph/. Sa website na rin na ito makikita ang mga kategoryang maaaring lahukan ng mga manunulat tulad sa nobela, maikling kuwento, sanaysay, tula at iba pa.
Dati, bago ipinatupad ang bagong sistema, maaaring ipadala sa email ang mga lahok sa CPMA o kaya sa pamamagitan ng koreo o personal na magtungo sa opisina nito para isumite ang printed copies ng lahok kasama ng digital copy nito na nasa compact disc.
Malayo na rin talaga ang nararating ng pagsusulat ng mga akdang pampanitikan na sumasabay sa pagsulong at pag-unlad ng mga teknolohiya. Pero malaking bagay na ginagawa ang pagsusulat sa computer dahil hindi na kailangang gumamit ng mga papel. Wala nang maaaksayang maraming papel na nangyayari noong araw na uso pa ang makinilya. Mas naging tahimik ang pagsusulat. Hindi tulad noong araw na makinilya pa ang ginagamit sa pagsusulat na bawat tipa o sunod-sunod na pagtipa rito ay lumilikha ng ingay. At, habang nagsusulat ka sa computer, direkta ka na ring makakakuha rito ng mga kailangang impormasyon sa pamamagitan ng internet. Hindi na kailangang gumamit ng touch and go para burahin ang mga mali sa pagkakasulat. Wala na ring ribbon na kailangang palitan kapag kupas na. Isang bentahe lang ng makinilya ay hindi na kailangan ng kuryente para magamit ito. Hindi tulad ng computer na mahihinto ang trabaho kapag biglang nag-brownout. Sa makinilya, kahit walang kuryente ay patuloy kang makakapagsulat basta’t may kandila o lampara sa tabi sa buong magdamag.
Bihira na kung meron pang gumagamit ng makinilya sa kasalukuyan. May mga bookstore sa bansa na nagtitinda pa rin ng makinilya hanggang ngayon na indikasyon na meron pa ring gumagamit nito. Siguro naman, hindi na sila magbebenta nito kung wala na talagang bibili nito.
Isa pang kaluwagan sa pagsusulat sa tulong ng computer ang pagkakaroon agad ng digital copy ng anumang inaakda ng isang nagsusulat. May mga peligro rin kasi ang mga akdang nasa papel tulad ng kapag ito ay aksidenteng nasunog, nabasa o naanod sa tubig, inanay, naluma at kumupas sa pagdaan ng mahabang panahon at iba pa. Pero, sa digital copy, maaaring gumawa ng maraming kopya nito at i-save sa anumang storage device.
At, tulad ng naunang nabanggit, wala nang naaaksayang papel habang nagsusulat ng kuwento, nobela, tula, script, at iba pang akdang pampanitikan sa pamamagitan ng computer. Noong araw kasi na makinilya pa ang ginagamit ng mga manunulat, maraming papel ang natatapon at naaaksaya habang binubuo nila ang kanilang mga akda mula sa burador, sa aktuwal na simula hanggang katapusan ng akda.
Email: rmb2012x@gmail.com