NOONG araw… noong panahon ng aking lolo at lola, uso sa aming probinsiya ang “matandaan”. ‘Yung mga magulang ang nagkakasundo na ipakasal ang kanilang anak sa anak ng kanilang kaibigan kahit alam nila na hindi nagkakagustuhan ang dalawang panig.
Dalawa lang magkapatid sina Lola na parehong babae. Pinili ng kanyang ama na ipakasal siya sa aking lolo dahil marunong ito sa gawaing bukid. Malawak ang bukid ng pamilya ng aking lola. Naisip ng kanyang ama, ang dapat mapangasawa ng dalawa niyang anak ay magaling magsaka para kung pumanaw siya, may mag-aasikaso ng kanyang bukid.
May secret boyfriend noon ang aking lola pero hindi niya naipaglaban dahil wala itong nalalaman tungkol sa pagsasaka. Empleyado ito sa kapitolyo. Ang pamilya ng kanyang boyfriend ay walang pag-aaring bukid dahil ang ikinabubuhay nila ay pag-eempleyo sa pribadong kompanya o ahensiya ng gobyerno. Ang mindset noon ng magulang ni Lola, mas magaling magsaka, mas magaling na lalaki. Mas malawak ang bukid, mas mayaman ka. Sekondaryo lang sa importansiya ang pinag-aralan.
Nagtagumpay ang “matandaan” ng mga pakialamerong magulang dahil napasunod nila si Lola na magpakasal sa aking lolo. Walang problema sa panig ng aking lolo dahil crush na niya noon pa si Lola. Kung sa kaguwapuhan, hindi naman lugi si Lola dahil matangkad, maputi at matangos ang ilong ni Lolo. Kaya lang, iba talaga kung ang katabi mo sa pagtulog ay ang tunay mong minamahal.
Ayon sa pag-aaral na ginawa ng mga psychologists, nakakahaba ng buhay at mabilis kang makakatulog kung ang katabi mo sa higaan ay taong minamahal mo. Kaya hangga’t maaari, ang dapat pakasalan ay ang taong tunay mong minamahal dahil siya ang makakatabi mo sa pagtulog habang buhay.
Mula sa puntong ito, naiugnay ko ang psychology fact na nabanggit sa nangyari sa aking lola. Binawian siya ng buhay sa edad na 49 dahil sa alta presyon. Mabait ang aking lolo sa asawa at mga anak kaya hindi puwedeng isipin na problema sa asawa ang dahilan ng kanyang alta presyon. Gusto kong isipin na may kinalaman sa kabiguan ni Lola sa kanyang first love ang pinagmulan ng kanyang sakit.